Ni Romelie Janelle Maranan

 

Nagsagawa ng isang oceanographic exploration at survey ang ilang Filipino Scientist sakay ng M/V BFAR sa Benham Bank noong Mayo ng nakaraang taon. Layunin ng nasabing pag-aaral ang makatuklas ng mga likas na yamang maaaring mapakinabangan ng bansa sa hinaharap.

Ang Benham Bank ay ang pinakamababaw na bahagi ng Benham Rise na tinatayang may lalim na 50 metro.

Ang proyektong ito na tinawag bilang “Exploration, Mapping and Assessment of Deep Water Areas” ay pinangunahan ng Department of Science and Technology- Philippines Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) kasama ang UP Marine Science Institute, UP National Institute of Geological Sciences, UPLB- School of Environmental Science and Management at Department of Agriculture- Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. Katulong din sa nasabing  proyekto ang ilang mananaliksik, siyentipiko at mga dalubhasa sa pagsisid mula UP Mindanao, UP Baguio, Xavier University, Ateneo de Manila University at ang local underwater diving industry.

Ang Benham Rise ay bahagi ng Philippine Extended Continental Shelf na pinagtibay ng Commission on the Limits of the Continental Shelf ng United Nations.

Sa kabuuan, ang Benham Rise ay mayroong sukat na 135,506 kilometro kuwadrado kabilang ang nakahiwalay na seamount o kabundukang nasa karagatan. Ang seamount sa Benham Rise ay isa sa 30,000 nadiskubre sa mga karagatan sa buong mundo.

Ang mga seamount ay may potensyal na maging tirahan ng iba’t ibang uri ng organismo sa karagatan dahil sa taglay nitong substrate.

Isa sa mga dahilan ng pagkakaron ng proyektong ito ay ang pagtuklas sa mga biological characteristic at likas na yaman ng Benham Bank seamount. Nais din ng mga mananaliksik na maidokumento ang biodiversity nito.

Inaasahang ang makokolektang resulta sa ginagawang pag-aaral ay makatutulong sa pagpaplano, pamamahala at higit na maintindihan ang pandaigdigang kahalagahan ng naturang teritorya na siyang mapakikinabangan ng sangkatauhan sa hinaharap.

Para sa karagdagang kaalaman hinggil sa Benham Rise Project, maaaring dumalo sa gaganaping National Science and Technology Week mula 24-28 ng Hulyo 2015 sa SMX Convention Center, sa lungsod ng Pasay. Mag log on sa www.nstw.dost.gov.ph  o i-like ang aming Facebook page na nstw2015.  (S&T Media Service)