Bago pa man sumapit ang kapaskuhan sa unang araw ng Disyembre, inihayag ng Social Security System (SSS) na naglabas na sila ng pondo sa kabuuang P7.2 bilyon para sa 13th month pension ng mga pensyonado ng SSS na maari ng matanggap ang tseke ano mang oras mula ngayon.

Sinabi ni SSS Officer-in-Charge ng Benefits Administration Division Normita M. Doctor na makikinabang sa benepisyo ang mga pensyonado ng SSS sa ilalim ng Social Security (SS) at Employees’ Compensation (EC) programs. Makakatanggap din ng karampatang 13th month na benepisyo ang mga dependents tulad ng mga anak na menor de edad.

“Maliban sa maagang pagbibigay ng 13th month pension, kasabay nilang tatanggapin ang regular na pensyon para sa buwan ng Disyembre, na batay sa kanilang contingency date. Halimbawa, kung nag-retiro ang miyembro noong Hulyo 19, sa Disyembre 19 niya makukuha ang retirement pension,” sabi niya.

Idinagdag ni Doctor na Nobyembre 14 pa lamang ay inilabas na ng SSS ang pondo sa mga partner banks nito upang makuha ng mga pensyonado ang karagdagang benepisyo sa kanilang personal na bank accounts o tseke na ipinadala na din sa Philippine post office sa pamamagitan ng koreo.

“Tulad ng 13th month pay na ibinibigay sa mga manggagawa bago mag-Pasko, katumbas ang SSS 13th month pension ng regular na buwanang benepisyong natatanggap ng mga pensyonado ng SSS. Natutuwa kaming patuloy itong ipinagkakaloob ng SSS sa mga pensyonado bilang mahalaga at taunang tradisyon ng SSS na nagsimula noong 1988,” dadgag niya.

Nakiusap ang SSS sa mga partner banks nito na ibigay ng mas maaga kaysa itinalagang araw ng pagbibigay ng pensyon para sa buwan ng Disyembre ang 13th month na benepisyo. Nakiusap din ito sa Philippine Post office na unahing ipadala ang mga tseke upang magamit nila kaagad ang kanilang benepisyo bago mag-Pasko.

“Kadalasan, sa loob ng tatlo hanggang limang araw ay natatanggap na ng pensyonado sa Maynila at karatig na lugar ang tseke. Lima hanggang walong araw naman sa mga malalayong probinsya sa Luzon, at walo hanggang 10 araw sa Visayas at Mindanao,” sabi ni Doctor.

Mga 99 porsyento ng higit sa dalawang milyong pensyonado ng SSS ay kasali sa SSS Pension Payment-thru-the-Bank Program kaya mas mabilis nilang natatanggap ang buwanang benepisyo dahil direktang pinapasok ito sa kanilang bank accounts.

“Maliit o isang porsyento ng mga pensyonado ng SSS, na karaniwang nakatira sa mga malalayong lugar, ang humiling na ipadala ang kanilang regular at 13th month pensions gamit ang tseke dahil walang automated teller machines sa kanilang lugar,” paliwanag niya.

Sa kabuuang bilang ng mga pensyonado sa SSS, 1.2 milyon ay retirement pensioners sa ilalim ng SS Program na 63 porsyento na tumanggap ng P4.5 bilyong kabuuang halaga ng 13th month pension ngayong taon. Nagbigay din ang SSS ng P2.4 bilyon para sa SS at EC death pensions at P224.5 milyon para sa SS at EC disability pensions.

Kaugnay nito, malugod sa sinalubong ng SSS ang bagong-hirang nitong Presidente at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc, na nagsilbi bilang Insurance Commissioner bago ang kanyang kasalukuyang katungkulan sa SSS.