Binalaan ng Social Secury System ang iba pang mga delingkwenteng employers na posible silang ipa-aresto ano mang oras, sakaling mapatunayan na sila ay lumalabag sa kautusan ng SSS sa hindi pagbabayad ng obligasyon para sa kanilang mga empleyado.

“Pwede kayong tumakbo pero hindi kayo makakapagtago,” ito ang sinabi ni Chairman Dean Amado D. Valdez ng Social Security System (SSS) sa kanyang talumpati sa Rotary Club ng Makati West kasabay ng paglabas sa midya ng unang listahan ng mga delingkwenteng employers na nahatulan na batay sa desisyon ng iba’t-ibang Mababang Hukuman.

“Inisyu ng mga korte ang desisyon laban sa mga kumpanyang ito na lumabag sa SS Law. Ang iba sa kanila ay nagbigay ng paunang bayad ngunit hindi na binayaran ang balanse samantalang ang iba ay hindi pa nahuhuli kaya hindi pa nagbabayad ng kanilang obligasyon,” sabi ni Dean Valdez.

Kasama sa unang listahan ng mga delingkwenteng kumpanya na nahatulan dahil sa paglabag sa SS Law ay: NIDF Corporation, Information Technology Solutions Int’l. Inc., Caps & Crown Enterprises, Stanley Fine Furniture, Niovis Shipping Co., FVA Manpower Training Center and Services, GDS Security Investigation Agency, Dr. Joel Mendez, at Holy Cross Learning School of Nabua, Inc.

“Patuloy naming ilalabas ang listahan ng mga delingkwenteng kumpanya na nahatulan na ng korte para matulungan kami ng publiko na hanapin at papanagutin sila sa batas. Maging babala din sana ito sa kanila na hindi titigil ang SSS hangga’t hindi nila nababayaran ang kontribusyon ng mga miyembro,” babala ni Dean Valdez.

Ang paglalabas ng listahan ng delingkwenteng employers ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng SSS na paalalahanan ang mga kumpanya sa kanilang obligasyon sa ahensya gayundin ay bigyan sila ng babala hindi titigil ang SSS hanggang lahat ng employers ay sumunod sa batas.

Maliban sa pagpangalan sa mga nahatulang delingkwenteng employers, nagsimula na din agn SSS at Philippine National Police sa paghahain ng warrants of arrest sa mga delingkwenteng kumpanya noong nakaraan buwan.

Dahil sa mas pinaigting na kampanya laban sa mga delingkwenteng employers, nasa piitan pa din sina Victor A. Caluag at ang kanyang 83-anyos na nanay na si Conchita, may-ari ng Stream Publishing Corporation dahil sa hindi nila pagbabayad ng kontribusyon at pagliban sa mga nakatakdang pagdinig sa korte. Sila ay makukulong ng minimum na anim na taon at magbabayad sa SSS ng P1,608,837.45 million para sa mga hindi nabayarang kontribusyon hanggang Disyembre 15, 2011.

“Ilang tao na ang nakiusap sa amin na ayusin namin ang kaso at payagan si Gng. Conchita na makalabas ng piitan dahil sa kanyang katandaan. Subalit hindi na sakop ng SSS ang kasong ito na may pinal na desisyon ng Makati Regional Trial Court. Sa aming pakikipaglaban para sa social security protection ng aming mga miyembro, walang sinuman ang mas makapangyarihan kaysa sa batas,” sabi ni Dean Valdez.

Kamakailan ay naghain din ng warrant of arrest kay Dr. Joel C. Mendez, subalit hindi siya natagpuan sa kanyang tirahan.

Sa kabilang dako naman, sinabi ni Dean Valdez na may ilang employers na ang lumapit sa kanya at mga sangay ng SSS para ayusin ang kanilang utang sa SSS. “Umaasa kami na ito ay magtataas sa kamalayan ng mga employers na may pananagutan sila sa SSS na dapat nilang gampanan,” sabi ni Dean Valdez.