Binabaan ng Social Security System (SSS) ang edad para sa opsyonal at teknikal na pagreretiro ng parehong surface at underground mineworkers mula sa dating 55 taong gulang ngayon ay 50 taong gulang na alinsunod sa Department of Labor and Employment(DOLE) Department Order (DO) No.167 S-2016.
Ayon kay SSS President and Chief Executive Emmanuel F. Dooc na sa bagong polisiya ng SSS, binabaan ang opsyunal na pagreretiro sa 50 taong gulang at ang teknikal o compulsory na pagreretiro sa 60 taong gulang para sa parehong underground at surface mineworkers.
“Minarapat namin na isama ang parehong underground at surface mineworkers upang masiguro na lahat ng mga nagmimina ay mabigyan ng proteksyon. Naiintindihan namin ang panganib ng kanilang trabaho at nais namin na masulit nila ang kanilang pinaghirapan ng mas maaga,” sabi ni Dooc.
Mula sa DOLE ang DO na nagpapatupad sa Republic Act 10757 o ang “An Act Reducing the Retirement Age of Surface Mine Workers from Sixty (60) to Fifty (50) Years, Amending for the Purpose Article 302 of Presidential Decree No. 442, as Amended, Otherwise Known as the “Labor Code of the Philippines”.
Batay sa panuntunan, kabilang sa mga itinuturing na surface mineworkers ay ang mill plant workers, electrical mechanical at tailings pond personnel habang ang underground mineworkers ay iyong mga kumukuha ng mineral deposits o sa ilalim ng lupa nagmimina.
Para makakuha ng benepisyo sa retirement, ang surface o underground mineworker ay kinakailangang nakapagbayad ng 120 buwanang kontribusyon bago ang semestre ng pagreretiro. Kung ang mineworker ay nagretiro sa edad na 50, dapat ay hindi na siya magta-trabaho.
“Kapag pinili ng mineworker-member ang opsyunal na pagreretiro sa edad na 50, kailangan ay hiwalay na siya sa kanyang employer o tumigil na siya sa pagtatrabaho kapag nagsumite sa SSS ng kanyang claim. Hindi siya papayagan na magfile ng kanyang retirement benefit o kung nabigyan na siya ng retirement benefit, sususpendihin ito ng SSS,” sabi ni Dooc.
Maliban sa bilang ng buwanang kontribusyon, ang mineworker ay kailangang sertipikadong underground at surface mineworker ng kanyang employer na rehistrado sa Mines and Geoscience Bureau. Kailangan ding ipakita sa sertipikasyon ang posisyon ng empleyado at kung ano ang kanyang trabaho.
Sa oras ng pag-file ng retirement claim, ang mineworker ay dapat nakapagtrabaho na ng limang taon, tuloy-tuloy man o hindi bago ang semestre ng pagreretiro subalit ang mismong petsa ng pagreretiro ay hindi dapat mas maaga sa Abril 27, 2016—ang petsa kung kailan naging epektibo ang pagbaba ng retirement age.
“Umaasa kami na sa pamamagitan ng bagong polisiya, maibibigay ng mas maaga ng SSS ang benepisyo sa mga miyembro. Nais naming maramdaman ng mga mineworkers ang aming pagkalinga at nais naming magamit nila ang perang kanilang inipon,” sabi ni Dooc.
Para sa iba pang detalye sa retirement claim para sa mga underground at surface mineworkers, maaaring tumawag ang mga miyembro sa SSS Call Center sa mga numerong 920-6446 hanggang 55 o mag-email sa member_relations@sss.gov.ph.