Magiging miyembro na ng Social Security System (SSS) ang may 1,600 na manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon ito’y matapos na pumirma sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang SSS at ang Katipunan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon (KAPPT) o Actors Guild of the Philippines noong nakaraang Biyernes.
Ang nasabing kasunduan na tinaguriang “ArtistaSSSya” ay naglalayong ayusin ang compulsory coverage at pagbabayad ng kontribusyon ng mga self-employed na miyembro ng KAPPT na binubuo ng mga aktor, aktres, mang-aawit, producer, mga personalidad sa entablado, commercial artists at stunt men.
“Ang sining ang pinakamataas na uri ng pagpapahayag ng isip at damdamin kaya dapat alagaan ang mga taong nasa pinilakang-tabing. Kailangan nating tiyakin na protektado sila sa hinaharap lalo na kapag sila ay nagretiro,” sabi ni SS Commission Chairman Amado Valdez na nakaisip ng kasunduan sa pagitan ng SSS at KAPPT.
Sa ilalim ng kasunduan, magtatalaga ang SSS ng Account Officer (AO) na magsasagawa ng on-site registration para sa lahat ng kwalipikadong miyembro ng KAPPT. Pangangasiwaan din ng AO ang lahat ng transaksyon na may kinalaman sa SSS gaya ng pagpoproseso ng registration forms, pagtanggap ng reports, application forms at iba pang dokumento, kabilang ang enrollment sa Unified Multi-purpose Identification (UMID) Card.
Ayon kay KAPPT President Imelda A. Papin, babayaran ng samahan ang inisyal na kontribusyon upang mahikayat ang kanilang mga kasapi na maging miyembro ng SSS.
“Nagpasya ang board na bayaran ang inisyal na SSS contribution ng unang 250 aktibong miyembro upang mahikayat silang sumali at masabi ng bawat isa sa amin na nakasandal na kami sa pader. Ang pagbibigay ng opisina sa amin ng SSS, na magsisilbing tahanan din ng mga artistang Pilipino, ay isang biyaya para sa amin,” sabi ni Papin.
Tinawag ni SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc na isang pagdiriwang ang ginanap na MOA signing.
“Sa totoo lang, marami sa ating mga Pilipino ang umaasa sa sarili nating pamilya para sa social security. Panahon na upang baguhin ang ating nakagawian dahil maaaring limitado o ubos na ang pananalapi ng ating pamilya. Ngunit sa SSS, siguradong may maaasahan ka sa panahon ng pangangailangan. Kaya’t nagdiriwang tayo ngayon dahil naunawaan na natin ang kahalagahan ng SSS para sa ating seguridad,” sabi ni Dooc.
Magsasagawa ang SSS ng information seminars at magbibigay ng reference materials sa KAPPT upang turuan ang mga kasapi nito. Gaganapin ang mga orientation upang turuan ang mga miyembro ng KAPPT kung paano gamitin ang SSS online facility para tingnan ang kanilang personal records pati ang ibang paraan ng pagbabayad sa SSS.
Dahil sa laki ng kanilang impluwensya ay magsisilbing tagapagtaguyod ng social security protection ang KAPPT sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanilang kasapi ng mga programa, patakaran, benepisyo at pribilehiyong hatid ng SSS gamit ang kanilang website, social media sites at newsletter. Kinakailangan din na gumawa ang organisasyon ng SSS corner sa mga lugar, distrito at sangay ng KAPPT.