Umabot na sa P1.45 trilyong halaga ng benepisyo ang naipinamahagi na ng Social Security System (SSS) sa mga miyembro nito mula nang itatag noong 1957.
Sa pagdiriwang ng ika-60 anibersaryo ng SSS, sinabi ni President and Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc na tumaas ng halos 20 milyong beses ang benepisyong ipinamahagi ng pension fund mula sa P80,000 na benepisyo nang magsimula ang operasyon nito noong P1957 at umabot na ito sa P1.45 trilyon sa unang anim na buwan ng 2017.

“Ngayon taon na ipinagdiriwang ng SSS ang isa na namang milestone year, malugod nating babalikan ang mga tagumpay SSS bilang kaagapay ng mga miyembro sa loob ng anim na dekada. Umaasa tayo na patuloy na magiging matibay ang pension fund sa hinaharap upang mapagsilbihan ang mga miyembro ngayon pati ang mga susunod na henerasyon,” ani ni Dooc.
Pinakamalaking bahagi ng gastusin ng SSS sa nakaraang 60 taon na mula sa P580,000 ay umabot na sa P1.58 trilyon sa unang semestre ng 2017 ay sa ginamit sa pagbabayad ng benepisyo ng mga miyembro at pensyonado.
Kumita naman ang SSS sa loob ng 60 taon ng P2.07 trilyon noong katapusan ng Hunyo 2017 mula sa P6.62 milyon noong 1957. Ito ay resulta ng pagtaas ng koleksyon ng kontribusyon ng mga miyembro mula sa P6.58 milyon noong 1957 ay umabot na ito sa P1.51 trilyon sa pagtatapos ng Hunyo 2017. Tumaas din ang kita mula sa investments na P567.53 bilyon na sa unang kalahati ng taon ng 2016 mula sa P40,000 noong unang taon ng SSS.
“Maituturing na sandalan ng SSS ang koleksyon ng kontribusyon ng mga miyembro at kita sa investments upang makapagbigay ng benepisyo sa mga miyembro at pensyonado. Sa kasalukuyan, ang mungkahi na repasuhin ang SS Law na magpapalawig sa kapangyarihan ng Social Security Commission na mag-invest sa iba’t ibang investment facilities, ay makatutulog para makapagbigay pa ng benepisyo ang SSS sa mga miyembro nito,” sabi ni Dooc.
Tumaas rin ang assets ng SSS sa P501.49 bilyon sa pagtatapos ng unang anim na buwan ng 2017 mula sa P6.37 milyon noon 1957.
Batay sa datos, aabot na sa halos 35.5 milyon ang miyembro ng SSS sa kasalukuyan mula sa 224,156 na miyembro noong 1957.
Mula sa isang opisina sa Maynila noon, mayroon nang 301 opisina ang SSS sa loob at labas ng bansa. Tumaas na rin ang bilang ng mga empleyado ng ahensya upang mas mapagsilbihan pa ang mga miyembro nito. Mula sa 211 na tauhan noong 1957, mayroon nang 6,670 regular na empleyado ang SSS at halos 2,200 kontrakwal na empleyado.
Itinatag ang SSS noong 1957 sa bida ng Republic Act 1161 o Social Security Act of 1954. Ngunit dahil sa kaliwa’t kanang batikos mula sa mga negosyante at mga manggagawa, naisakatuparan ang implementasyon ng batas noong Setyembre 1, 1957.
Ipagdiriwang ng SSS ang programa sa ika-60 na anibersaryo nito sa Setyembre 6 sa opisina nito sa Quezon City kung saan dadalo si Pang. Rodrigo Roa Duterte bilang panauhing pandanggal.