Umabot sa mahigit tatlong daang (300) individual ang nabigyan ng travel pass, mula sa iba’t-ibang bahagi ng Cainta Rizal na-stranded, matapos ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ), dulot ng covid –19 pandemic noong nakaraang Marso, 2020.
Hindi akalain ng local na pamahalaan ng Cainta Rizal, na dadagsain sila ng daan-daang mga tao para kumuha ng travel pass. Ito’y matapos na maipit ng lockdown sa kanilang bayan ng halos dalawang (2) buwan.
Ayon kay Risk Reduction and Management Office (CR-RRMO) Head Erick Arevalo, mahigit sa tatlong daang (300) individual mula sa iba’t-ibang lugar na na-stranded sa bayan at mga taga Cainta ang nabigyan na nila ng travel pass.
Sinabi pa ni Arevalo, na ang travel pass na kanilang ipinagkaloob ay may mga panuntunan na dapat sundin, kabilang na dito ang patunay na sila ay residente ng bayan at dapat na sa loob ng 24 oras ay makabalik ng Cainta. Ito umano ay upang maiwasan na makapagdala ng coronavirus diseases 2019 ang sinumang pupunta sa ibang lugar, kaya dapat makabalik sila sa original na destination.
Ayon pa kay Arevalo, base sa bagong inilabas na guidelines ng Department of the Interior and Local Government ( DILG ), magkaiba ang travel pass sa travel authority na kanilang sinusunod ngayon. Ang travel authority aniya, ay makukuha sa Cainta Police Headquarters, dahil ito ang kailangan ng mga taong na istranded o tinatawag na locally stranded individual, na uuwi sa probinsiya mula sa region 1 hanggang sa region 12. Dagdag pa nito, dahil wala pang masasakyan ang mga uuwi ng probinsiya, kayat maari itong dumulog sa tanggapan ng Alkalde para matulungan na maproseso ang kanilang kailangan para sa pagbalik nila sa kanilang pinanggalingan.