Taytay Mayor Joric Gacula

Taytay Mayor Joric Gacula

Bago pa man ipatupad ang General Community Quarantine (GCQ) sa bayan ng Taytay Rizal, ipinatawag ni Taytay Mayor Joric Gacula ang lahat ng may-ari ng malalaking establisemiento kagaya ng: mall, super market, depot at ilan pang negosyo sa nasabing bayan na maari ng magbukas o mag-operate sa panahon ng GCQ.

Ayon kay Taytay Mayor Gacula, layunin ng pagpapatawag ng pulong sa mga may-ari ng mga kumpanya, na maipatupad at ma-praktis ang alituntunin ng GCQ, isa na rito ang pagsu-suot palagi ng facemask, social distancing, na kailangang palaging may pila, may nagaasist sa mga customers, at mayroong guardya o bantay sa bawat pintuan. Hindi umano tayo maaring mag relax, dahil anumang oras ay nagbabadya ang tinatawag na second wave, ayon pa kay Taytay Mayor Gacula.

Sinabi pa ng Alkalde, na mahigpit umano ang kanilang pagpapatupad sa mga batas. Lahat umano ng kumpanya ay binigyan nila ng kopya ng rules, na kung saan nakapaloob sa nasabing alituntunin na hindi pupwedeng nagkakasalu-salubong ang mga tao, partikular sa mga mall, supermarket at grocery store.  Kinakailangan nasa 2 square meters ang pagitan ng pila. Ibig sabihin lang na may tamang capacity lang, kailangang may waiting area at may pila na may mga marka. Yan po ang isa sa ipinatutupad namin hindi lamang sa mga mall maging sa mga hardware, at auto supply na kung saan talagang hinihigpitan natin.

Binanggit pa ng alakade na kamakailan lamang may ipinasara silang tindahan na tumatanggap ng remittance para ipadala sa nais nilang padalhan, subalit dahil sa liit ng kanilang puwesto, hindi nila makontrol ang pila sa labas kung kaya ipinasara nila ito. Subalit sinabi ng alakade, na pansamantala lang naman ang pagpapasara nito. Bibigyan umano niya ng pagkakataon na maisayos at masunod ang ibinigay nilang tuntunin, para muling makapag-operate.

Ayon pa sa Alkalde, na nagkaroon ng pagkakataon na mag meeting ang lahat ng Mayor sa  Rizal, na kung saan isa sa pinagusapan ang Liquor ban at napagkasunduan na nasa discretion na ng bawat LGU’s ang pagpapatupad nito. Minabuti pa rin ni Mayor Gacula na manatili pa rin ang liquor ban sa Taytay, dahil sariwa pa umano ang pagbibigay ng ayuda ng Pamahalaan sa mga nakataggap ng SAP at iba pang ayuda. Nangangamba ang Alkalde na mapunta ito sa alak imbis na mapunta sa pagkain at mga essentials. Malakas umano ang hatak ng alak, lalo na pag may hawak na pera. Iyan umano ang iniiwasan ni Taytay Mayor Gacula.

Dahil sa mahirap umanong uminom na mag-isa, di maiiwasan na magimbita ng barkada o kumpare para maging lubos ang kasiyahan. Ang pinakamahalaga umano rito, magamit ang pera sa pagkain at sa essential at magkaroon ng social distancing. Siguro sa pagdating ng tamang panahon maibabalik din natin ang pag-alis ng liquor ban sa bayan ng Taytay, ayon pa sa Alkalde.