Nabigyan ang bawa’t mag-aaral sa Lungsod ng Mandaluyong ngayong pasukan at tumanggap sila ng tigi-tigisang tablet mula sa grade 4 hanggang grade 12. Ang bawa’t Pampublikong Guro naman sa nasabing Lungsod ay tumanggap ng libreng Laptop
Sa isinagawang simpleng seremonya nitong nakaraang Lunes, na may temang “ Balik e-skwela na, classhome pa,” naging panauhing pandangal si Education Undersecretary Tonisito Umali, na humanga at pinuri ang napakagandang proyekto ng Mandaluyong City, na pinaglaanan talaga ng pondo ng Pamahalaang lungsod ang pagsisimula ng blended at distance learning na umaabot sa halagang P557M. Ito ay sa pangunguna ni Mayor Menchie Abalos, kasama at suportado ng buong konseho, at katuwang si Cong. Neptali Gonzales.
Sa unang araw ng Distance Learning Education, sinabi ni Mayor Menchie Abalos na mamimigay ang Pamahalaang lungsod ng libreng tablet sa bawat estudyante sa pampublikong paaralan mula sa grade 4 hanggang grade 12 para sa kanilang pagaaral. Ito ay magiging pagaari na nila hanggang sa matapos ang pasukan.
Sakali masira o magkaroon ng diperensiya ang nasabing gadget meron umanong repair center na pagdadalhan nito, at habang inaayos ang nasirang gadget, meron namang pansamantalang ipapahiram na pamalit para hindi maantala ang pagtuturo at pagaaral ng mga estudyante. Ito umano ay libre at walang ano mang gastos para sa pagpapa-ayos nito, ayon kay Mayor Abalos.
Kasabay sa unang araw ng pag-uumpisa ng Distance Learning Education, ginunita ang National Teachers Day na kung saan mamimigay din ang pamahalaang lungsod ng libreng laptop para sa mga guro, principal, supervisor ng naturang lungsod , para magamit naman sa kanilang pagtuturo at pagsasaayos ng kanilang mga trabaho na maybilang na 2,300, at umaabot sa halagang P264M , at ito umano ay magiging pagaari na rin ng mga guro. Dagdag pa ni Mayora, ang mga loptop na ipamimigay sa mga guro ay hindi na pababayaran o pahuhulugan dahil hirap na rin sila sa pinansiyal.
Para naman doon sa mga kinder pa lamang hanggang grade three, sinabi ni Mayora, na mahirap pang bigyan ng tablet ang mga nasa ganitong grado, dahil, baka dun na lang sila magfocus. Ang kailangan umano ng mga bata ay matuto munang magsulat at magbasa. Magkakaroon din umano sila ng tablet sa tamang panahon kung sila ay nasa grade 4 na, ayon pa kay Mayora.
Naglaan din ang lokal na pamahalaan ng P71 million para sa self-learning modules at mga bag (MANDunong Kits), P208 million para sa school uniforms, sapatos at medyas para sa kinder hanggang Grade 12 students at P7 million naman para sa quipper online at offline class para sa Senior High School (Grades 11 at 12) na estudyante.