image

Tumanggap ng maagang pamasko ang 1,042 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Eastern Visayas Region, partikular sa lalawigan ng Leyte, matapos na ipamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang certificate of landowners award (CLOAs) at iginawad sa kanila ang mga suportang serbisyo para sa kanilang pagsasaka na nagkakahalaga ng P2.3 milyon.

Kabilang sa mga tumanggap ng titulo sa lupa ay si Moises Enrile Jr., na nagsabing walang iniwan sa kanila ang kanyang ama nang ito ay namatay.  “Salamat po sa lupang ito. Maitataguyod ko na maayos ang aking pamilya at may maiiwan pa ako sa aking mga anak,” ani ni Enrile Jr., na nagsasaka ng isang ektarya ng lupa sa Alang-alang, Leyte.

Namahagi si Secretary Brother John Castriciones ng mga indibidwal na CLOAs, na sumasaklaw sa 1,500 ektaryang lupain sa 1,042 ARBs sa isinagawang seremonyas na ginanap sa Alang-alang covered court sa Alang-alang, Leyte. Sinabi ni Brother John na ang pamimigay ng titulo ng lupa ay nagpapahayag na kinikilala ng pamahalaan ang papel na ginagampanan ng mga magsasaka bilang tunay na bayani ng bansa.

Kasama si DAR Regional Director Ismael Aya-ay, pinangunahan ni Brother John ang pamamahagi ng mga lupang sakahan na umaabot sa 1,500 ektarya na matatagpuan sa siyam na munisipalidad sa Leyte. “Ang mga CLOA ay unang hakbang lamang patungo sa higit na suporta mula sa pamahalaan. Susundan natin ang pambansang layunin ni Pangulong Duterte na mapabuti ang buhay pang-ekonomiya ng ating mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbuhos ng iba’t ibang suporta at serbisyo para sa mga magbubukid, ” ayon pa kay Bro. John.

Pinayuhan din ni Bro John ang mga magsasaka na huwag ibenta o isanla ang kanilang mga sakahan o i-convert ito para sa ibang gamit upang matiyak. “Ang pag-convert ng mga lupa mula sa agrikultural para sa iba pang gamit ay mangangahulugan na mababawasan ang mga lugar na pwedeng pagtaniman ng palay at iba pang mga pananim at ito ay makakaapekto sa ating seguridad sa pagkain. Kami po sa DAR ay tutulungan kayong pagyamanin ang lupa,” sinabi pa nito.

kasbay nito ang pamimigay din ng mga makinang pang-sakahan gaya ng harvesters, Sistema sa patubig at suportang pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P2.3 milyon sa mga kooperatiba sa Abuyog, Macarthur, Alang-alang at Biliran. Layunin umano nito na mahikayat ang mga benipisyaryong magsasaka na “magsumikap, gawing mas mabunga ang mga bukid na iginawad sa kanila at itaas ang kanilang mga pamantayan sa pamumuhay.”

“Parang nanalo na rin kami ng jackpot sa lotto sa mga gamit nito sa pagsasaka namin,” ayon kay Rodrigo Artulye, Presidente ng TICAGE-OS Farmers Irrigation Association, Inc. matapos ibigay ni Brother John ang mga makinaryang pangbukid sa kanilang kooperatiba.

Hinimok din ni Brother John ang mga magsasaka na sumali sa mga kooperatiba upang mas lubusan silang matulungan ng DAR. “Ang mga suportang serbisyo ay hindi ibinibigay nang paisa-isa. Mahalaga na sumali kayo sa mga kooperatiba o kaya ay mag-buo kayo ng grupo upang mas matamasa ninyo ang mga ayuda ng pamahalaan,” sinabi pa ni Brother John.

Sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support (CRFPS), nagbigay ang DAR ng mga hand tractors, rice threshers, water pumps and brush cutter sa tatlong grupo, na kinabibilangan ng Catoogan-Ulhay-Lacdas Irrigators Association, Ticage-Os Farmers Irrigators Association at ang Tamarindo Sikiel Irrigators Association. Ang San Vicente Integrated Farmers’ Association ay tumanggap ng hog fattening livelihood assistance mula sa Convergence on Livelihood Assistance for ARBs Project (CLAAP) ng DAR.

At ang pang-huli, ang Maalsada FISCO ay tumanggap naman ng mga para sa kanilang vegetable production mula sa Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP).

image