image

Pinagunahan kamakailan ni Department of Agrarian Reform (DAR) Bro. John Castriciones ang pamamahagi ng mga certificates of land ownership award (CLOAs) sa Argao at Sibonga sa Cebu.

Personal na iniabot ni Brother John sa 25 agrarian reform beneficiaries’ (ARBs) ang mga CLOA upang matiyak na personal na matatanggap ng mga magsasaka ang kanilang mga CLOA. “Ako po ay umiikot sa buong Pilipinas kahit sa panahon ng pandemya dahil ang sabi po ni Presidente Rodrigo Duterte ‘dalhin mo ang mga titulo ng lupa mismo sa mga magsasasaka para maramdaman nila na kahit sa panahon ng paghihirap ay kasama at kakampi nila ang pamahalaan’,” sabi ni Brother John.

Ang unang bahagi ng DAR-to-Door ay ginawa sa Barangay Langub sa Argao kung saan 16 CLOA ang personal na iniabot ni Brother John. Ang pangalawang bahagi ay sa Barangay Bahay sa Sibonga kung saan siyam (9) na CLOA ang ibinigay ni Brother John. “Maraming, maraming Salamat po! Ang tagal naming itong hinintay. Sa wakas may hawak na akong titulo na magpapatunay na akin na ang lupa,” ayon kay Wilma Embudo ng Sibonga.

Si Embudo, isang magsasaka ng mais at saging, ay higit sa 10 taong ng naghintay para sa kanyang titulo ng lupa. Matapos ang Serbisyong DAR-to-Door, kasama si DAR Regional Director Atty. Resty Osias, ipinagkaloob ni Bro. John ang Tulay ng Pangulo Para sa Kaunlarang Pang-Agraryo (TPKP) kay ARGAO Mayor Allan Sesaldo.

Sinabi naman ni Atty Osias na ang 28-linear meter na tulay, na nagkakahalaga ng P28 milyon, ay isang malawak na steel bridge na may dalawang magkabilang kalsada. Pinondohan ng DAR ang pagtatayo ng proyekto ng TPKP at ipinatutupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ang tulay ay nagkokonekta ngayon sa mga barangay ng Lengigon at Alambijud sa Argao.

Mahigit sa 400 agrarian reform beneficiaries umano sa nasabing lugar ang inaasahang makikinabang mula sa proyekto, sa pamamagitan ng mas madaling transportasyon ng kanilang mga produkto. “Ang proyektong ito ay tiyak na magbibigay daan sa pag-unlad sa lugar at magbubukas ng mga oportunidad sa mga benepisyaryo ng repormang agrario sa dalawang barangay,” ayon pa kay Osias.

image