Limang miyembro ng agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) sa Nueva Vizcaya ay langhap na ang simoy ng Kapaskuhan, ito’y matapos na makatanggap ng maagang aguinaldo ng pagmamanukan mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) upang madagdagan ang kanilang kinikita.
Ayon kay provincial agrarian reform program officer Dindi Tan, ang limang ARBOs ay pinagsama-samang pamayanan na tinutulungan ng DAR katuwang ang Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng Convergence of Livelihood Assistance for the ARBs Project.
Ito ay kinabibilangan ng: Pingkian Community Development Cooperative ng Upper Bato cluster sa bayan ng Bayombong, Dur-as Agricultural Cooperative ng Duruarog sa Diadi, Marvelous Women-Kalipi Association Inc. ng Namamparan sa Diadi, Conwap Valley Multi-Purpose Cooperative ng Nansaksakey sa Dupax del Norte at Saint Joseph Parish Multi-Purpose Cooperative ng Namnama sa Kasibu.
Sinabi pa ni Tan, na bawat isang ARBOs ay binigyan ng 576 na nangingitlog na mga inahing manok na pawang may edad na 16 na linggong gulang, karaniwang edad kung kailan handa ng mangitlog ang inahin. Bukod sa mga manok, ang bawat isa sa limang ARBOs ay tumanggap ng 12 egg machine cages; mga patuka tulad ng 12 tig-20 kilong powerheal, 12 tig-50 kilong pre-lay at 48 tig-50 kilong chicken layer; tatlong tig-isang litrong botelya ng disinfectant; apat na tig-limang gramo ng Stressol o Vitamin C; at tatlong tig-20 gramo ng antibiotic.
Sa kabuuan, umaabot sa halagang P2.25 milyones ang proyekto, ayon kay Tan.”Umaasa kami na ang proyektong ito ay magsisilbing daan upang maisulong ng ating mga ARBOs ang kanilang kabuhayan at maihanda nila ang kanilang mga sarili sa mas malaki pang negosyong pangkabuhayan,” ayon pa kay Tan.
Bago pa ipamahagi ang mga inahin at mga kagamitan, sumailalim muna sa pagsasanay sa pagmamanukan ang 150 kasapi ng limang ARBOs upang masigurong handa silang harapin ang mga hamon ng bago nilang kabuhayan.