Aabot sa pitong (7) toneladang gulay, root crops, at value-added products mula sa lalawigan ng Cavite ang iniluluwas ng Yakap at Halik Multi-Purpose Cooperative (MPC) sa iba’t ibang pamilihan/tindahan, restawran, at barangay sa kalakhang Maynila dalawa hanggang tatlong beses kada linggo. Ilinuluwas ang mga produkto sa lungsod ng Muntinlupa, Taguig, Parañaque, at iba pang lungsod at lugar maging sa Divisoria.
Mayroong 55 hanggang 60 pamilya na mga organikong magsasaka na miyembro ng kooperatiba ang direktang kabahagi at nagsasama-sama sa pagbiyahe ng kanilang mga ani mula sa sariling technology-demonstration/communal/cluster farm.
Ayon sa chairperson ng kooperatiba na si G. Gabriel Arubio, ang kanilang mga miyembro ay patuloy na nagtutulungan sa pamamagitan ng proyektong KAtuwang sa DIwa at GaWA (KADIWA) ni Ani at Kita ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA), upang matiyak na ang kanilang mga produkto ay madaling makakarating sa mga tao o direktang maiuugnay sa mga konsyumer o mamimili.
“Ngayong panahon ng pandemya, makakaasa po kayo na ang Yakap at Halik MPC ay katuwang ng Kagawaran ng Pagsasaka sa CALABARZON sa patuloy na produksyon at suplay ng sapat, sariwa, ligtas, at abot-kayang pagkain para sa ating mga mamamayan lalo na sa Metro Manila. Maraming salamat po sa DA sa inyong patuloy na suporta sa aming kooperatiba. at sa lahat ng mga magsasaka, mabuhay po kayo at pagpalain nawa ng Panginoon!,” sa pagbabahagi ni Arubio.
Ang Yakap at Halik MPC ay nagsusuplay din ng kanilang mga ani at produkto sa ilang marketing at distribution companies, katulad ng Philtycoon International, Co. at SARI ni G. Rodrigo “Jiggy” D. Manicad, Jr. at iba pang kumpanya.