Itinalaga si DOST Undersecretary for Research and Development Dr. Rowena Cristina L. Guevara bilang kinatawan ng PIlipinas sa katatapos lamang na 2020-2021 Intersessional Panel Meeting ng United Nations (UN) Commission on Science and Technology for Development (CSTD) noong ika-18-22 ng Enero 2021.
Ang naturang pagpupulong na tumagal ng limang araw, ang unang beses na nakalahok ang Pilipinas bilang nagbabalik na miyembro matapos ang re-election nito sa komisyon noong ika-21 ng Abril 2020 at opisyal na pag-upo nitong nakalipas na ika-01 ng Enero 2021.
Ilan sa mga isyung tinalakay sa pagpupulong ay may kaugnayan sa mga tema ng paggamit ng agham, teknolohiya, at inobasyon upang maabot ang sustainable development goal 3 na “good health and well-being”, at epektibong paggamit ng ‘blockchain’ para sa sustainable development.
Ang ‘blockchain’ ay isang digital ledger kung saan ang mga transaksyon, tulad ng Bitcoin at cryptocurrency, ay tinatatakan ng oras at nakatala ayon sa petsa na maaaring ma-access ng publiko.
Sa kanyang presentasyon noong ika-19 ng Enero 2021, ibinida ni Guevara ang mga karanasan ng Pilipinas sa paggamit ng agham, teknolohiya, at inobasyon sa sektor ng kalusugan. Aniya, matagal nang kinikilala ng bansa ang kahalagahan ng agham at pananaliksik sa pagbuo ng mga polisiyang pangkalusugan na nakabatay sa resulta at ebidensya ng siyensiya, at patunay ang pagkakatatag ng national health research framework sa pamamagitan ng Philippine National Health Research Systems Law.
Binanggit din ng opisyal ang iba’t ibang programa ng DOST sa research and development tulad ng “Tuklas Lunas” Program, Omic Technologies for Health Program, at mga pag-aaral na may kinalaman sa paggamot laban sa COVID-19, tulad ng virgin coconut oil, Tawa-tawa, at Lagundi. Itinampok niya rin ang iba’t ibang teknolohiya ng ahensya na nagamit sa pagtugon sa pandemya tulad ng GenAmplify COVID-19 testing kit, RxBox telehealth device, FASSSTER app, paggamit ng QR code, artificial intelligence, data at satellite technology.
Nanawagan din ang butihing opisyal ng pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t ibang mga bansang kasapi sa United Nations, at ng lahat ng sektor ng lipunan upang siguruhin na ang mga oportunidad kaugnay sa agham, teknolohiya, at inobasyon ay pantay-pantay at makatarungang maibibigay sa lahat upang malabanan ang iba’t ibang pandaigdigang krisis.
Nangako rin ang DOST na patuloy itong susuporta sa mga programa at gawain ng CSTD bilang kinatawan ng Pilipinas sa science, technology, and innovation commission ng UN, katuwang ang Department of Foreign Affairs at ang Philippine Mission to the United Nations at iba pang international organizations sa Geneva, Switzerland. [Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII] (S&T Media Service)