image

BANI, Pangasinan—Binuo ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang 18 Barangay Agrarian Reform Council (BARCs) upang  maisama sa pagpaplano, pag-oorganisa, at pamamahala sa pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng pamahalaan, sa nabanggit na lalawigan.

“Ang BARCs ay ang ating pangunahing kabalikat sa antas ng pamayanan. Tutulong sila sa pagpapatupad ng land acquisition and distribution, paghahatid ng mga suporta, serbisyo at paglutas ng mga hindi pagkakaunawaan sa usaping agraryo sa pinakamababang antas, ”ayon kay Secretary Brother John Castriciones.

Ang mga BARC ay binubuo ng mga magsasaka, manggagawa sa bukid, may-ari ng lupa, pati na rin mga kooperatiba at mga independiyenteng samahan ng mga magsasaka sa nasabing lalawigan.

“Ang kailangan po natin sa panahon ng pandemya ay ang mga magsasaka. Kung kaya’t aktibo naming binubuo ang mga BARC sapagkat napakahalaga ng papel na gagampanan ng BARC. kayo ang magsisilbing tagapamagitan namin sa mga magsasaka dahil ang karamihan sa mga miyembro ay magsasaka din. Kaya alam ninyo ang damdamin at sentimiyento ng mga magsasaka, ”sinabi pa ni Brother John.

Noong Mayo 6, nagsagawa ang DAR ng oryentasyon para sa mga miyembro ng 18 BARCs upang ipaalam sa kanila ang pinakabago at binagong mga alituntunin, upang bigyan din sila ng kaalaman sa katayuan at pagpapatupad ng repormang agraryo.

Sinabi ni Brother John, na ang mga BARC ay may mahalagang papel sa pagpapatupad sa mga ipinag-uutos ng DAR.

“Inatasan kami ng Pangulo na tapusin ang balanse ng DAR sa pagkuha at pamamahagi ng lupa sa 2024, ipamahagi ang lahat ng mga lupain na pagmamay-ari ng pamahalaan at iparsela ang kolektibong certificates of land ownership award sa mga agrarian reform beneficiairies. Sa inyong tulong ay magagawa natin ito, ”sinabi ito ni Brother John sa harap ngn halos 200 na kalahok ng BARC.

Sinabi naman ni DAR Ilocos Regional Director Primo Lara, na ang oryentasyon ay magsisilbing paraan para sa pagbabahagi ng kanilang karanasan bilang magsasaka, manggagawa sa bukid o may-ari ng lupa sa kani-kanilang pamayanan.

“Inaasahan namin na pagkatapos ng kaganapang ito, sila ay mabibigyan ng kapangyarihan upang maayos nilang magampanan ang kanilang mga tungkulin,” sinabi pa ni Lara.