image

Bilang panata sa aktibong pag-antabay sa lagay ng presyo ng mga produktong pang agrikultura sa merkado, isang pagpupulong ang inihanda ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) para sa Regional Bantay Presyo Monitoring Team (RBPMT) kasama ang mga lokal na pamahalaan noong ika-8 ng Nobyembre.

Ang RBPMT ang nagsasagawa ng regular na pangongolekta ng mga impormasyon ukol sa katayuan ng presyo ng mga bilihin sa mga pangunahing pampublikong pamilihan sa rehiyon. Nakikipagtulungan din sila sa mga lokal na pamahalaan upang isaalang-alang ang mga aksyon na nararapat gawin sa larangan ng pagbabantay-presyo.

Layunin ng aktibidad na mai-presenta ang kasalukuyang kondisyon ng suplay at presyo ng mga piling commodity sa rehiyon, partikular ang bigas, mais, livestock, high value crops, isdaan, asukal, at pataba. Gayundin ang market profile ng mga iminungkahi na karagdagang pampublikong pamilihan na isasali sa regular monitoring ng Bantay Presyo Monitoring System (BPMS).

Ayon kay AMAD Chief Editha Salvosa na siyang nanguna sa pangangasiwa ng pagpupulong, dahil malaki ang kaakibat na tungkulin ng RBPMT at mga lokal na pamahalaan upang makatulong sa mga consumer pagdating sa pagkontrol ng presyo, mahalaga umano ang masigasig na pagdalo ng bawat miyembro nang sa gayon ay maihayag din ang iba pang isyu o problemang nakita sa merkado.

Samantala, tinalakay din sa aktibidad ang kung saan nakapaloob na isa ang rehiyon ng Calabarzon sa mga idineklara ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. na nasa “State of Calamity”. Itinatakda nito ang mas pinagtibay na pagkontrol ng presyo sa kabila ng pananalasa ng bagyong Paeng nitong nakaraang Oktubre.

image

image