Antipolo City – Tiklo ang suspek na si Ariel Paiton y Fletchero sa kasong pagpatay sa dating Vice Mayor ng Trese Martirez, Cavite, matapos manlaban sa pinagsanib pwersa ng operatiba ng Rizal PIU, SWAT, Antipolo CPS, at PMFC, kasama ang Cavite PIU at Trece Martires MPS sa Sitio Pantay, Brgy. San Jose, Antipolo City noong Marso 10, 2023.
Matatandaang, ang suspek ay may standing warrant of arrest para sa kasong murder at frustrated murder na inisyu ni Hon. Bonifacio S. Pascua, ng RTC Br 33, Trece Martires City, Cavite. Si Fletchero ang primary suspek sa pagpatay kay dating bise alkalde na si Alex Lubigan ng Trece Martires, Cavite noong 2018.
Narekober kay Fletchero ang isang 45 Caliber pistol at isang magazine ng 45 caliber na may lamang labing anim (16) na bala.
Ayon sa inbestigasyon, naulinigan ng kanyang live-in partner na may mga kapulisang paparating sa kanilang tinitirhan, kung kayat agad itong sinabi sa suspek na agad namang nagpaputok. Bilang depensa, gumanti ng putok ang mga operatiba na nagresulta sa pagkakatama sa kanang braso ng suspek. Na-corner si Fletchero sa likod ng kanyang bahay at inaresto.
Agad na dinala ang suspek sa Rizal Provincial Hospital System Antipolo Annex para malapatan ng kaukulang lunas. Pagkatapos nito, dadalhin na ang suspek sa kustodiya ng Cavite PIU kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa tamang disposisyon.