Nanawagan ang grupo ng Child Rights Network (CRN) at ang Parents Against Vape (PAV) sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na kumilos laban sa nakababahalang vape epidemic sa kabataan.
Sa isang joint statement noong Lunes, nanawagan ang CRN at PAV sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na aktibong makilahok at gampanan ang tungkulin sa pagpapatupad ng Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act (RA 11900) at mag-isyu ng karagdagang guidelines kaugnay ng nasabing batas.
Ayon kay CRN Convenor Mr. Romeo Dongeto, bagama’t naglabas na ang DTI ng administrative order upang ipatupad ang batas, malakas pa rin ang paniniwala namin na napakahalaga ng tungkulin ng mga ahensya ng edukasyon para labanan ang laganap na paggamit ng vape sa mga kabataan.
Sa 2019 Global Youth Tobacco Survey, gumagamit ng electronic cigarettes ang 14.1% ng mga estudyante, 20.9% ng mga batang lalaki, at 7.5% ng mga batang babae na may edad na 13 hanggang 15 sa Pilipinas. Ibig sabihin, 1 sa 7 mag-aaral – o 1 sa bawat 5 batang lalaki at halos 1 sa bawat 10 batang babae – ay gumagamit ng electronic cigarettes. “Nakababahala ang resulta ng 2019 Global Youth Tobacco Survey. Huwag nating hayaang patuloy na abusuhin ng vape industry ang ating kabataan gamit ang kanilang marketing tactics. Kung hindi natin lalabanan ang panlilinlang ng vape industry, lalala pa ang nicotine addiction sa kabataan at patuloy na malalagay ang kanilang kalusugan sa panganib,” ayon pa kay Dongeto.
Nananawagan kami sa DepEd at CHED na bigyang prayoridad ang pagpapatupad ng batas na nagreregulate sa paggamit ng vape, at paigtingin pa ang mga hakbang upang labanan ang vape epidemic sa ating kabataan,” dagdag pa ni Dongeto.
Kaugnay ng kanilang panawagan, inilahad ng CRN at PAV ang ilang mga konkretong paraan na maaaring gawing ng DepEd at CHED upang tiyaking maayos na maipatutupad ang RA 11900. Ito ang mga sumusunod: Palakasin ng Child Protection Unit at Child Rights in Education Desk ng DepEd ang adbokasiya laban sa paglakat ng vape at e-cigarettes sa kabataan. Maglabas at magpatupad ang DepEd at CHED ng guidelines upang masiguro na naipagbabawal ang pagbebenta ng vapes at e-cigarettes sa loob ng 200 metro na radius ng mga paaralan.
Nararapat na mahigpit na ipatupad ng mga ahensya ang Rule VIII ng Department Administrative Order (DAO) No. 22-16 o ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 11900, na nagbabawal sa paggamit ng vape products sa mga lugar na malapit o nasa loob ng “centers of youth activity” gaya ng playschools, preparatory schools, elementary schools, high schools, colleges and universities, youth hostels, at recreational facilities para sa mga bata.
Kailangang maglabas ng bagong department orders ang DepEd at CHED upang mahigpit na ipatupad ang Rule VI ng IRR, na tumutukoy sa “restrictions on product communication, advertisements, and sponsorships” ng mga produkto ng vape. Bilang ahensyang nangangasiwa sa karamihan ng sports events, concerts, at cultural and art events, mapapagtibay ng DepEd ang Section 3a ng Rule VI, na nagbabawal sa promotional sponsorships ng vape products sa anumang “sport, concert, cultural, or art event.”
Advocates to DTI: Babantayan namin ang implementasyon ng RA 11900 Nanawagan din ang CRN at PAV sa DTI na mahigpit na ipatupad ang RA 11900. “Malaki ang papel ng DTI upang protektahan ang kalusugan ng ating mga kabataan.
Bilang pangunahing ahensya na nagpapatupad ng RA 11900, binibigyang-diin ng batas ang kapangyarihan at responsibilidad ng DTI upang masiguro ang proteksyon ng kabataan laban sa marketing tactics ng tobacco at vape industry,” ayon maman kay Ms. Imedla Esposado-Gocotano, PAV President.
Kabilang rito ang pagbabawal sa youthful marketing strategies ng vape industry at ang paglimita sa flavor ng vapes at e-cigarettes sa conventional tobacco at menthol. “Mahalagang ipagpatuloy ng DTI ang pag-monitor sa pagbebenta ng e-cigarettes at heated tobacco products (HTPs) na lumalabag sa mga restriksyon sa flavor descriptors at marketing strategies.
Umaasa kaming magpapatuloy ito sa mga darating na taon,” dagdag ni Ms. Gocotano. “Mahaba pa ang adbokasiya laban sa paglaganap ng e-cigarettes at HTPs sa kabataan. Nananawagan kami sa mga magulang at child rights advocates na tulungan ang pamahalaan upang matiyak ang child-centered implementation ng RA 11900,” saad pa ni Mr. Dongeto.