Dinagsa ng libo-libong mag-aaral galing sa ibat-ibang paaralan mula sa Mandaluyong, Pasig, San Juan, Marikina, Taytay, Cainta, at iba pang karatig na bayan at lungsod ang inilunsad na second B.A.A. College Fair ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong City. Ito ay ginanap sa Event Center ng SM Megamall sa Mandaluyong City nitong nakaraang Oct. 14, 2023.
Ang “Be Academically Aware: A Scholastic Guide to Shape Our Future” ay isang proyekto ni Mandaluyong City Mayor Ben Abalos, Vice Mayor Menchie Abalos, at ni Councilor Benjie Abalos. Ito ay bukas sa lahat ng Grade 12 na estudyante taga Mandaluyong man o hindi.
Nagsimula ang nasabing B.A.A. College Fair ng 10AM at natapos ng 9PM. Partikular na pumunta sa nabaggit na second B.A.A. College Fair ang mga magtatapos sa grade 12 at mag-eenroll sa kolehiyo sa susunod na pasukan.
Layunin ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong, na sa pamamagitan ng College Fair ay mailapit sa mga magtatapos ng grade 12 at mag-eenroll sa susunod na pasukan ang mga unibersidad at kolehiyo sa kalakhang maynila na nais nilang pasukan para sa kanilang kurso na gustong kunin. Maiiwasan na rin na magsayang ng oras, gumastos ng malaki para sa pamasahe sa paghahanap ng school na mapapasukan.
Matatandaang 2022, inilunsad ang kauna-unahang B.A.A. College Fair na kung saan umabot sa 30 kolehiyo at unibersidad ang nakilahok sa buong Metro Manila. Sa ikalawang B.A.A. College Fair ngayong taong 2023 umabot na sa 40 colleges and universities ang nagpatala. kabilang na dito ang Polytechnic University of the Philippines (PUP), University of Santo Tomas (UST), University of the Philippines-Manila, San Beda College, De La Salle University at ang College of San Juan de Letran, Mapua University, at ang bagong bukas na Mandaluyong College of Science and Technology (MCST).
Sa kuwento ni Konsehal Benjie Abalos, (ang may ideya ng programa), bago siya nagtapos ng high school ay naranasan niyang bumiyahe sa ilang unibersidad para maghanap ng tamang kolehiyo para sa kurso na kanyang kukunin. Para maiwasang gumugol ng maraming oras at pera ang mga estudyante sa pag-cocommute o paglalakbay para maghanap ng kanilang gustong kolehiyo, iminungkahe niya kay Mayor Abalos ang college fair program. Bilang tugon naman ng Alkalde, inaprubahan ni Mayor Abalos ang magandang ideya dahil, naniniwala siya na ang isang taong nakapag-aral ay may mas magandang pakinabang sa buhay.