AI, Itinanghal na Kaagapay sa Pagliligtas ng mga Katutubong Wika sa Pagbubukas ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026

c91ab2d0-a8f8-42d7-a2b3-bc567cf26684.jfif[3]

Nanawagan si Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Komisyoner Dr. Benjamin M. Mendillo, Jr. na yakapin ang makabagong teknolohiya bilang katuwang sa pangangalaga at pagpapayaman ng mga wika sa Pilipinas sa idinaos na Press Launch ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026.

Ayon kay Mendillo, ang taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay hindi lamang paggunita sa kasaysayan ng wikang pambansa kundi pagkakataon ding pag-isipan ang kinabukasan ng mga wika sa bansa sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng Artificial Intelligence (AI).

Binigyang-diin niya na hindi dapat ituring na banta ang AI sa kultura, kundi isang makabagong kasangkapan sa pananaliksik, dokumentasyon, at preserbasyon ng mga katutubong wika na marami na ang nanganganib na tuluyang maglaho.

Ipinaliwanag ni Mendillo na sa pamamagitan ng Natural Language Processing (NLP) at digital lexicography, mas napabibilis ang pagtatala ng bokabularyo, gramatika, at mga pasalitang tradisyon ng mga komunidad. Nakatutulong din ang AI sa pagpapanatili ng linguistic diversity at sa pagsusulong ng katarungang pangwika, kung saan nabibigyan ng pantay na pagpapahalaga ang iba’t ibang wikang ginagamit sa bansa.

Ibinahagi rin niya ang mga matagumpay na halimbawa sa ibang bansa, kabilang ang paggamit ng AI sa mga wikang Hawaiian, Choctaw, Maori, at Aboriginal, gayundin ang mga programang digital archiving at living dictionaries na nagpalawak sa dokumentasyon at pagkatuto ng mga nanganganib na wika.

Kasabay nito, hinikayat ng KWF ang lahat na suportahan ang responsableng paggamit ng AI na nakabatay sa etika, paggalang sa katutubong kaalaman, at aktibong partisipasyon ng mismong mga komunidad sa pangangalaga ng kanilang mga wika.

Ayon kay Mendillo, sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, maisusulong ang isang inklusibo, makabago, at makawikang lipunang Pilipino na handang gamitin ang teknolohiya upang mapanatiling buhay ang mayamang pamana ng mga wika ng bansa.

bd58d32b-0ced-47c4-b040-f8617531ebbf.jfif

36cfbbd0-c990-4e3a-8270-42ca6a4892db.jfif

d3b8beea-b42b-4dc7-9808-3f9f95c7b5bd.jfif

b834691d-315d-41ab-b504-8e095ed20c74.jfif

8e35d8c7-be39-4e49-b343-347673038db2.jfif

Facebook Comments