Maynila – Iginiit ni Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Chairperson Atty. Marites A. Barrios-Taran ang mahalagang papel ng Wikang Filipino sa panahon ng artificial intelligence (AI) sa isinagawang Press Launch ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026 nitong Hulyo 23.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Barrios-Taran na kinikilala ng KWF na ang AI ay bahagi na ng makabagong pamumuhay at maaari itong maging katuwang ng Wikang Filipino sa pagpapalawak ng kaalaman, pananaliksik, at inklusibong pag-unlad ng bansa.
Tema ng pagdiriwang ngayong taon ang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon,” na binibigyang-diin ang ugnayan ng wikang pambansa at AI sa pagtuklas ng mga bagong kaalaman at pagbuo ng mga sistemang kapaki-pakinabang sa mamamayan.
Ayon sa KWF, mahalagang gamitin ang AI nang responsable, may paggalang sa etika at karapatang pantao, habang tinitiyak na nananatiling mahalagang bahagi ang Wikang Filipino sa mga umuusbong na teknolohiya.
Binigyang-diin din ni Barrios-Taran na ang wikang pambansa ay salamin ng kasaysayan, kultura, pagpapahalaga, at pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Aniya, ang pag-iingat sa wika ay pag-iingat din sa alaala, dangal, at pagkatao ng bansa, kaya’t hinikayat niya ang kabataan na maging katuwang sa pagpapayaman nito.
Dagdag pa niya, ang tunay na sukatan ng pag-unlad sa AI ay hindi lamang ang teknikal nitong kakayahan kundi ang pagiging responsable, etikal, at makatao ng paggamit nito. Sa pamamagitan ng pagpapayaman ng mga sangguniang pangwika, terminolohiya, at korpus ng Wikang Filipino, mas mapapalawak ang akses ng bawat Pilipino sa kaalaman.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, ibinahagi niya ang paalala ni Pope Leo XIV na ang AI ay maaaring magsulong ng pagkakaisa at katarungan o magpalala ng hindi pagkakapantay-pantay depende sa paraan ng paggamit nito.
Hinimok ni Barrios-Taran ang lahat na gamitin ang AI at Wikang Filipino bilang magkatuwang na kasangkapan tungo sa isang makatarungan, edukado, at maunlad na kinabukasan.
“Sapagkat kung nasaan ang wika, naroon ang KWF,” ani Barrios-Taran.