TULOY NA TULOY NA! LRT-1 LAS PIÑAS STATION, PABOR SA MILYONG PASAHERO

764832996_1576231903892262_2485299468087904688_n.jfif

MANILA — Tuloy na ang proseso para sa konstruksyon ng Las Piñas Station ng LRT-1 Cavite Extension Project matapos makuha ng Department of Transportation (DOTr) ang pagsang-ayon ng Villar Group of Companies sa mga pangunahing kondisyon ng pamahalaan para sa donasyon ng lupang kailangan sa proyekto.

Ito ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa DOTr na pabilisin ang paglutas sa mga isyung nakapaligid sa proyekto upang agad itong mapakinabangan ng mga commuter.

Sa pulong nitong Biyernes kay Transportation Secretary Banoy Lopez, sumang-ayon ang mga kinatawan ng Villar Group sa tatlong non-negotiable terms ng DOTr para sa donasyon ng lupa.

Kabilang dito ang unconditional permit to enter, waiver of subrogation laban sa pamahalaan, at pagkansela ng mortgage sa mga lupang ido-donate.

768949735_1585615552949975_8955760534901242572_n.jfif

Ayon kay Secretary Lopez, pinakamalaking makikinabang sa kasunduang ito ang mga commuter. “Itong pagkakasundo natin, talagang commuters ang pangunahing makikinabang, at ‘yun naman talaga dapat ang priority natin,” ani Lopez. Anim na lote ang nakatakdang i-donate ng Villar Group, ngunit dalawa rito ang kasalukuyang nakasangla.

Ayon sa grupo, isasagawa sa loob ng susunod na anim na buwan ang proseso ng pagkansela sa mortgage. Natukoy na rin ang mga kapalit na property para sa dalawang sanglaang lote upang mapabilis ang pagpapalaya at pag-turnover ng lupang kailangan sa proyekto.

Inaasahan ding mapipirmahan sa loob ng buwang ito ang mga kinakailangang kasunduan, kabilang ang Memorandum of Agreement, Right-of-Way Acquisition Agreement, at Deed of Donation. Kapag nakumpleto ang mga kasunduan, maaari nang magsimula ang construction works sa susunod na taon.

767305268_2076898509579746_8098800963306478633_n.jfif

Nagpasalamat naman si Lopez sa Villar Group sa pakikipagtulungan upang mapabilis ang proseso, alinsunod sa direktiba ng Pangulo na agad na mapakinabangan ng publiko ang mga transport project.

Samantala, sinabi ni LRMC President and CEO Enrico Benipayo na mahalagang hakbang ang kasunduan dahil libo-libong commuter ang maaapektuhan kung hindi matutuloy ang pagtatayo ng Las Piñas Station.

Ayon kay Benipayo, malinaw ang pagkaapurahan ng pamahalaan na mabigyan ng agarang ginhawa ang mga pasahero, habang positibo rin ang pakikipag-usap ng Villar Group sa mga kinauukulan. Aniya, natapos na ang isang malaking hadlang sa pagpapatuloy ng proyekto.

Dumalo rin sa pulong sina DOTr Undersecretary for Railways Timothy John Batan, Assistant Secretary for Railways Eduardo Danilo Macabulos, LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera, LRMC Chief Technical Advisor Scott Anderson, at Cavite Extension Project Execution Manager Carlos Tan.

766227081_1605994737817131_161031662484088663_n.jfif

763722732_2429133194282292_7174397493136769324_n.jfif

Facebook Comments