MANILA — Nagpatupad ngayong Agosto 18 ang Department of Transportation (DOTr) at iba pang ahensya ng pamahalaan ng libreng sakay mula 6:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi para matulungan ang mga pasaherong stranded dahil sa malakas na pag-ulan at pagbaha sa Metro Manila.
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, 43 government vehicle assets ang idineploy para sa libreng sakay. Maaari ring palawigin ang operasyon kung kinakailangan.

Kabilang sa mga rutang may libreng sakay ang Quiapo-Fairview, Lawton-PITX, Divisoria-Cubao, Baclaran-Monumento, Lawton-Muntinlupa, Heritage-Market Market, Monumento-PITX, Kalentong-Pasig, Buendia-Makati Avenue, Quiapo-Commonwealth, Marikina-Cubao, Sta. Mesa-Quezon Avenue, at Baclaran-Sucat, kabilang ang mga pabalik na ruta.
Katuwang ng DOTr ang Office of the President, Philippine Coast Guard, Philippine Ports Authority, CAAP, LTO, LTFRB, DOE, DOLE at Philippine Army sa pagpapatupad ng libreng sakay.
Layunin nitong matiyak na makakapasok at makakauwi nang ligtas ang mga commuter sa gitna ng masamang panahon.




