MANILA — Pinarangalan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mga natatanging indibidwal, manunulat at institusyong patuloy na nagtataguyod at nagpapayabong sa wikang Filipino sa isinagawang “Bunyi: Gabi ng Parangal 2026” noong Agosto 27 sa Lucky Chinatown Hotel, Binondo, Maynila.
Bahagi ng programa ang pagkilala sa mga nagwagi sa Sanaysay ng Taon 2026, kung saan itinanghal na Mananaysay ng Taon si Rexon Hora Gaston. Nakuha naman ni Emersan D. Baldemor ang ikalawang gantimpala, habang ikatlong gantimpala naman si Mark Anthony S. Angeles.
Ang tema ng Sanaysay ng Taon 2026 ay “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.” Ayon sa ulat ng University of Santo Tomas, ang award-winning essay ni Angeles ay tumalakay sa ugnayan ng artificial intelligence, wika at karanasang Filipino.
Nagkaloob din ang KWF ng Natatanging Pagkilala kina Alexandra M. Eala, Clesencio B. Rambaud, Linda R. Andaya, Oscar M. Balajadia Jr. at Phillip Y. Kimpo Jr.
Kabilang din sa tampok na pagkilala ang Gawad Carlos Padilla 2026, na ipinagkaloob sa mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, Kongreso at Senado. Kabilang dito si Nathacia Zierra E. Erese, SK Chairperson ng Barangay Osmeña, Solano, Nueva Vizcaya; Kongresista Antonio L. Tinio ng ACT Teachers Party-list; at Senador Lorna Regina B. Legarda.
Ipinagkaloob din ang Gawad Dangal ng Wika 2026 kay Justice Japar Babay Dimaampao para sa kategoryang indibidwal at sa Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas para sa kategoryang institusyon o samahan.
Naging bahagi rin ng programa ang mga pagtatanghal ng PNU Chorale, kabilang ang “Ama Namin” ni Eduardo Parungao, “Padayon” ni Grace Nono at “Kay Ganda ng Ating Musika” ni Ryan Cayabyab.
Ang Bunyi: Gabi ng Parangal 2026 ay bahagi ng mga aktibidad ng KWF para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, na nagbibigay-diin sa pagpapahalaga, pagpapaunlad at patuloy na paggamit ng wikang Filipino.