SAN JUAN CITY — Muling hinikayat ng Pamahalaang Lungsod ng San Juan ang mga kwalipikadong San Juaneño na makiisa sa “Dugo ng San Juaneño, Para sa San Juaneño” Bloodletting Drive na ginanap nitong Biyernes, Agosto 28, sa San Juan City Hall Atrium.
Isinagawa ang bloodletting drive mula 7:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon sa pakikipagtulungan ng Cardinal Santos Medical Center, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lungsod na mapalakas ang suplay ng dugo para sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang blood transfusion.
Sa pamamagitan ng simpleng pagdo-donate ng dugo, maaaring makatulong ang bawat donor sa pagliligtas ng buhay at pagbibigay ng pag-asa sa mga pasyente at kanilang pamilya.
Kabilang sa maaaring mag-donate ang mga nasa mabuting kalusugan, 18 hanggang 65 taong gulang, at may timbang na hindi bababa sa 110 pounds. Kailangan ding makapasa ang mga donor sa physical at health history assessment.
Pinaalalahanan ang mga donor na dapat ay nakatulog nang 6 hanggang 8 oras, walang pag-inom ng alak at paninigarilyo sa loob ng 24 oras bago ang blood donation, at may blood pressure na nasa 90–160 mmHg systolic at 60–100 mmHg diastolic. Dapat ding lumipas ang hindi bababa sa tatlong buwan mula sa huling pagdo-donate ng dugo.
Sinabi rin na susuriin sa mismong araw ng aktibidad ang travel history, mga iniinom na gamot, at pagkakaroon ng piercing o tattoo upang matiyak ang kaligtasan ng donor at tatanggap ng dugo.
Sa patuloy na pagtutulungan ng pamahalaang lungsod, mga institusyong pangkalusugan at mga mamamayan, layunin ng programa na palakasin ang diwa ng bayanihan at malasakit ng mga San Juaneño.
Dugo ng San Juaneño, para sa San Juaneño—isang simpleng donasyon, isang malaking ambag sa pagliligtas ng buhay.