MANILA — Malugod na tinanggap ng Commission on Human Rights (CHR) ang paggawad ng absolute pardon kay Mary Jane Veloso, na ayon sa komisyon ay muling nagbigay-pansin sa mga panganib na kinakaharap ng mga overseas Filipino workers (OFWs) at iba pang migrant workers na maaaring mabiktima ng illegal recruitment, human trafficking, pagsasamantala at mga sindikatong kriminal.
Mula pa sa simula ng kanyang kaso, iginiit ni Veloso na nalinlang siya ng kanyang mga recruiter upang magdala ng maleta na naglalaman ng ilegal na droga. Ayon sa CHR, ipinapakita ng kanyang karanasan ang pangangailangan para sa mas mahigpit na proteksyon sa mga migrant worker, lalo na sa kababaihang mas maaaring malagay sa panganib dahil sa kahirapan, limitadong access sa legal assistance, diskriminasyon at mga hadlang sa sistema ng hustisya sa ibang bansa.
Binigyang-diin ng CHR na tungkulin ng Estado na protektahan ang karapatan at kapakanan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa, kabilang ang mga nahaharap sa pagkakakulong o parusang kamatayan. Kabilang dito ang sapat na legal at consular assistance, mas pinaigting na kampanya laban sa trafficking at illegal recruitment, at paggamit ng mga diplomatikong at legal na paraan alinsunod sa mga obligasyon ng Pilipinas sa karapatang pantao.
Kinilala rin ng CHR ang mga hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paggawad ng pardon, gayundin ang naging papel ni Pangulong Prabowo Subianto at ng pamahalaang Indonesia sa pagpapadali ng paglipat ni Veloso sa Pilipinas.
Pinuri rin ng komisyon ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Justice (DOJ), Department of Migrant Workers (DMW) at iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagpapatuloy ng diplomatic at bilateral efforts sa kanilang mga katapat sa Indonesia.
Ayon sa CHR, mahalaga rin ang suporta sa reintegration ni Veloso sa lipunan matapos ang maraming taon ng pagkakakulong. Kabilang dito ang livelihood opportunities, skills development, psychosocial support at iba pang tulong upang muli niyang mabuo ang kanyang buhay nang may dignidad at katatagan.
Umaasa ang CHR na magsisilbing aral ang kaso ni Veloso upang higit pang paigtingin ng pamahalaan ang proteksyon sa mga Pilipinong nasa ibang bansa, lalo na ang mga nasa vulnerable situations, at maisulong ang karapatan sa buhay, access to justice, rehabilitation at human dignity.
Kinilala rin ng komisyon ang sama-samang pagsisikap ng mga abogado at human rights advocates ni Veloso, kabilang ang National Union of Peoples’ Lawyers, Migrante International, Indonesian Migrant Workers Union (JBMI), Beranda Migran, Lembaga Bantuan Hukum Masyarakat (LBHM), Anti-Death Penalty Asia Network at Coalition Against the Death Penalty-Philippines, kasama ang kanilang mga tagasuporta sa Pilipinas at iba’t ibang bahagi ng mundo.
Pinasalamatan din ng CHR ang Komnas Perempuan at Komnas HAM ng Indonesia sa pakikipag-ugnayan sa civil society, mga pamahalaan ng Pilipinas at Indonesia, at sa CHR.
Ayon sa komisyon, malaki ang naging ambag sa naturang resulta ng sama-sama at tuloy-tuloy na legal advocacy, organizing at human rights diplomacy, gayundin ng pagtitiyaga ni Veloso at ng kanyang mga magulang.
Sinabi ng CHR na, alinsunod sa mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon, patuloy itong magbibigay ng policy, technical at legal guidance at susubaybay sa kalagayan ng iba pang Pilipinong nahaharap sa mabibigat na kasong kriminal at parusa sa ibang bansa.