PASAY CITY — Pinangunahan ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang pagkilala sa mga retirado at matagal nang naglilingkod na empleyado ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa isinagawang Civil Service Awards sa Sequioa Hotel sa Pasay City nitong Martes.
Nagpasalamat si Lopez sa mga tumanggap ng loyalty awards at sa mga retirado dahil sa kanilang mga dekada ng tapat na serbisyo sa MIAA.
Hinimok din ng kalihim ang mga awardee na ipagpatuloy ang paglilingkod sa publiko, lalo na sa mga pasahero at turista na gumagamit ng paliparan.
Kabilang sa pinarangalan ang mga empleyadong umabot sa mandatory at optional retirement age ngayong 2026, gayundin ang mga nakapagsilbi nang 20, 30 at 40 taon sa MIAA.
Kinilala rin ang mga empleyadong may 10, 15, 25 at 35 taon ng tuloy-tuloy na serbisyo.
Kabilang sa mga retirado ang mga nagmula sa General Manager’s Office, Finance and Administration, Operations, Engineering, at Security and Emergency Services.
Nagpaabot din ng pasasalamat si MIAA General Manager Eric Ines sa mga retirado at awardee at hinimok silang laging isaisip ang kanilang Oath of Office.
Ayon kay Ines, mahalagang isabuhay ng bawat empleyado ang kanilang panunumpa sa tungkulin upang patuloy na makapaglingkod nang may integridad, propesyonalismo, malasakit at kahusayan.
Sinabi niyang ang seremonya ay hindi lamang pagkilala sa nakalipas na serbisyo kundi pagdiriwang din sa kasalukuyan at paghahanda para sa hinaharap ng MIAA.