BATAAN, Philippines — Sa gitna ng paulit-ulit na power shortages at lumalaking demand sa kuryente, muling umiigting ang panawagan na isama ang nuclear energy sa energy mix ng Pilipinas, kabilang ang posibilidad ng ligtas na muling paggamit sa Philippine Nuclear Power Plant (PNPP) sa Bataan.
Itinutulak ni Pangasinan 2nd District Representative Mark O. Cojuangco, chairman ng House Special Committee on Nuclear Energy, kasama ang Alpas Pinas, ang pagsusuri sa PNPP bilang potensyal na karagdagang mapagkukunan ng maaasahang kuryente.
Nangyayari ito habang nakararanas ang ilang bahagi ng bansa ng yellow at red alerts dahil sa kakulangan sa power supply. Batay sa datos ng Worldometer, nasa humigit-kumulang 124 terawatt-hours (TWh) ang taunang electricity generation ng Pilipinas, mas mababa sa mahigit 300 TWh ng Vietnam at Indonesia.
Ayon kay Cojuangco, mahalagang samantalahin ang potensyal ng nuclear energy upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng pangangailangan sa kuryente.
“Nuclear energy plays an essential role in addressing the country’s increasing energy demands; that’s why we are determined to reopen the Philippine Nuclear Power Plant,” ani Cojuangco.
Aniya, kapag patuloy na naantala ang proseso, maaaring mawalan ang bansa ng pagkakataong magkaroon ng isa pang mapagkukunan ng maaasahang enerhiya sa panahong higit itong kinakailangan.
Itinuro rin ni Cojuangco ang Palisades at Watts Bar nuclear plants sa Estados Unidos bilang mga halimbawa na maaaring pag-aralan sa posibilidad ng muling paggamit sa mga nuclear facility.
Ang Palisades, na tumigil sa operasyon noong 2022, ay inihahanda para sa restart, habang ang Watts Bar ay nananatiling operasyon matapos ang mga naging delay at pagsubok sa konstruksyon.
Samantala, sinabi ni Gayle Certeza, PhD, lead convenor ng Alpas Pinas, na hindi dapat patagalin ang mga hakbang para sa nuclear power dahil maaaring mapag-iwanan ang Pilipinas ng mga bansang agresibong sumusulong sa kanilang nuclear programs.
Ayon kay Certeza, natapos ang PNPP noong 1985 at maaari sanang naging unang nuclear power plant sa Southeast Asia. Sa kasalukuyan, aniya, sumusulong na ang nuclear energy plans ng Bangladesh, Vietnam, Indonesia at Malaysia.
“The Philippines cannot afford further unnecessary delays in pursuing nuclear power,” ani Certeza, na nagsabing makatutulong ang nuclear energy sa pangmatagalang energy security ng bansa.
Ilang mambabatas din ang nagpahayag ng suporta sa pagsasama ng nuclear power sa energy plan ng bansa, kabilang sina Occidental Mindoro Rep. Odie Farreila, Masbate 2nd District Rep. Olga Kho, Zamboanga del Sur 1st District Rep. Joseph Kim Yu, Southern Leyte 2nd District Rep. Coco Yap, KAPUSO PM Partylist Rep. Munir Arbison Jr., at Valenzuela 1st District Rep. Kenneth Gatchalian.
Kasabay nito ang deliberasyon sa Philippine Nuclear Energy Act (House Bill No. 08567) at muling pagsusuri sa posibilidad ng pagbubukas ng PNPP.
Layunin ng mga hakbang na mapalawak ang energy mix ng Pilipinas, makatulong sa pagtugon sa lumalaking pangangailangan sa kuryente at mapalakas ang pangmatagalang energy security ng bansa.