MANILA — Iginiit ni Atty. Tony La Viña, tagapagsalita ni Senador Loren Legarda, na walang ilegal o maling ginawa ang senador at ang kanyang anak na si Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste kaugnay ng solar energy business nito.
Ayon kay La Viña, matapos ang masusing pagsusuri sa mga alegasyon, wala siyang nakitang ebidensiyang nagpapatunay ng anumang ilegal na gawain ng mag-ina. Aniya, ang mga lehitimong aktibidad sa pribadong negosyo ni Leviste ay napapalabas umanong kriminal na gawain.
Binigyang-diin din niya na preliminary investigation pa lamang ang mga usapin at wala pang pormal na kaso na naisampa laban kina Legarda at Leviste. Gayunman, sinabi niyang tila ipinapalagay na agad ang kanilang pananagutan batay sa ilang pampublikong pahayag.
Itinanggi rin ni La Viña ang pagtatangkang iugnay si Sen. Legarda sa mga kompanya ng kanyang anak dahil lamang sa kanilang relasyon bilang mag-ina.
Ayon sa kanya, hindi nagmamay-ari, nagpapatakbo o nakikilahok si Legarda sa Solar Para sa Bayan Corporation (SPBC) o alinmang Solar Philippines company, at walang corporate documents na nagpapakitang shareholder, officer o beneficiary siya.
Giit ni La Viña, ang pagiging ina ni Leviste at pagiging senador ni Legarda ay hindi ebidensiya na nakinabang, gumawa ng mali o nakagawa ng krimen ang senador.
Samantala, sinabi niyang non-exclusive ang franchise ng SPBC, walang government subsidy at nakadepende sa regulatory action ng Department of Energy (DOE). Ayon sa kanya, hindi nailabas ang mga kinakailangang implementing rules at hindi natukoy ang mga lugar na sakop ng franchise, kaya hindi ito ganap na naipatupad.
Iginiit din ni La Viña na ang mga hakbang ni Leviste sa solar energy ay bahagi ng entrepreneurial innovation at nakatulong sa pagdaragdag ng renewable energy sa energy mix ng bansa.
Gayunman, nauna nang naghain ang DOE ng reklamo laban kay Leviste at iba pang opisyal ng SPBC kaugnay ng umano’y hindi pagtupad sa mga obligasyon sa ilalim ng kanilang legislative franchise.
Sinabi rin ni La Viña na naging mas matindi ang scrutiny kay Leviste matapos nitong ilantad umano ang mga alegasyon ng korapsyon at manawagan ng mga imbestigasyon. Para sa abogado, ang timing ng mga imbestigasyon ay nagpapakita umano ng “political persecution” at tinawag niyang “classic lawfare” ang umano’y paggamit ng batas laban sa mga kalaban sa politika.
Gayunman, ang mga pahayag na ito ay posisyon ng kampo ni Legarda, habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon at wala pang pinal na desisyon hinggil sa pananagutan nina Legarda at Leviste.