₱49-B ‘Health Pork’ sa MAIFIP, Kinondena; PhilHealth Pondo, Nanawagang Dagdagan

fdb18271-6c5c-4a0e-b390-4ed62a28ec5f.jfif

QUEZON CITY — Kinondena ng Sin Tax Coalition at iba pang grupo sa health sector ang pagdoble ng discretionary Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) fund mula ₱24 bilyon hanggang ₱49 bilyon, na inaprubahan umano ng Budget Amendments and Review Subcommittee (BARSC) ng Kongreso noong Oktubre 1, 2026.

Inihayag ito sa isang press conference sa The B Hotel noong Martes, kung saan tinawag ng coalition na “₱49-billion Health Pork” ang pondo at iginiit na dapat unahin ang pagpapalakas ng PhilHealth.

Ayon kay Dr. Antonio Dans, Professor Emeritus ng UP Manila College of Medicine at convenor ng Health Professionals Alliance After COVID-19 (HPAAC), dapat umabot sa halos ₱100 bilyon ang minimum na pondong dapat mailaan sa PhilHealth mula 2023 hanggang 2027 batay sa Sin Tax at PAGCOR revenues.

Sinabi ni Dans na ang ₱70 bilyong inilaan para sa PhilHealth ay naubos umano noong unang bahagi ng 2026, habang ang minimum requirement nito ay nasa ₱244 bilyon. Umaasa siyang hindi lamang ₱75 bilyon ang ilalaan para sa 2027 at maisara ang malaking kakulangan sa pondo.

Binatikos din niya ang paggamit ng discretionary health funds, dahil aniya, ₱10,113 lamang ang natanggap ng pinakamahihirap kumpara sa ₱27,385 ng pinakamayayaman.

Aniya, ang MAIFIP ay discretionary, politicized at hindi sapat na nasusubaybayan, habang napipilitan ang mga pasyente na pumila, humingi at umasa sa guarantee letters. Aniya, ang PhilHealth ay isang karapatan, hindi “utang na loob.”

87f5d00a-ca6d-4e44-ae83-8b0aebee0451.jfif

Ibinahagi naman ni Dr. Jeremy Cordero ng HPAAC ang kaso ng isang 52-anyos na pasyente na nangangailangan ng angioplasty ngunit hindi agad naisagawa dahil kailangan munang makapaglabas ng malaking halaga o makakuha ng guarantee letter. Makalipas ang dalawang oras, tumigil umano ang tibok ng puso nito.

Ayon kay Cordero, kailangang maunawaan ng mga Pilipino na ang PhilHealth coverage ay isang karapatan.

Sinabi naman ni Dr. Maria Victoria R. Raquiza, co-convenor ng Social Watch Philippines, na “healthcare is a right, not a favor.” Aniya, may built-in safety nets ang PhilHealth at kung kulang ang coverage nito, dapat itong palakasin.

Tatlong problema ang tinukoy niya sa MAIFIP: pagkakawatak-watak ng health financing, duplication ng mga serbisyong saklaw na ng PhilHealth, at pag-iral nito dahil hindi sapat ang PhilHealth coverage.

Para kay Dr. Annie Enriquez Geron, president ng Public Services Labor Independent Confederation, nagiging paraan umano ang MAIFIP para maipit ang pondo ng PhilHealth.

“Karapatan is demandable. Hindi ka nakikiusap. Hindi ka namamalimos,” ani Geron.

Samantala, sinabi ni Salvacion Basiano, sectoral representative ng National Anti-Poverty Commission Senior Citizen Council, na maraming matatanda ang nagtitiis sa karamdaman dahil sa mataas na gastos sa pagpapagamot. Nanawagan siyang lahat ng Pilipino ay masaklaw ng PhilHealth.

1a24b213-17e5-4886-82c4-61bb13c184cf (1).jfif

Ayon kay Atty. Paula Tanquieng, sa ilalim ng Republic Act No. 1123 o Universal Health Law, pinagsasama-sama ng PhilHealth ang mga pondong pangkalusugan para sa health benefits ng lahat ng Pilipino.

Ayon sa coalition, nasa ₱74 bilyon lamang ang PhilHealth allocation para sa 2027 at maaari itong maubos pagsapit ng Marso 2027. Dahil dito, tinatayang may ₱170 bilyong funding gap laban sa minimum na ₱244 bilyong kailangan ng PhilHealth.

Nagbabala ang grupo na maaaring maharap sa malalaking out-of-pocket hospital expenses ang milyun-milyong Pilipino kapag naubos ang pondo sa unang quarter ng susunod na taon.

83c630db-5527-4eaa-a8dc-33993f7ca10b (1).jfif

Hinamon ng coalition ang 20th Congress at Executive Department na isara ang ₱170 bilyong funding gap at i-remit ang ₱311 bilyong withheld at unappropriated earmarks, kabilang ang ₱33.2 bilyong Sin Tax at ₱85 bilyong PAGCOR at PCSO earmarks.

Nanawagan din sila sa pag-aalis ng discretionary health funds gaya ng MAIFIP at direktang paglipat ng mga ito sa PhilHealth upang matiyak ang transparent, episyente at rules-based na health benefits.

“Kalusugan: Karapatan, hindi utang na loob. Ibigay ang nararapat na pondo para sa PhilHealth sa 2027 budget,” panawagan ng coalition.

Facebook Comments