TNVS Drivers, Kinuwestiyon ang Fare Implementation; Mataas na Komisyon, Ibinabatikos sa LTFRB

803267816_1600769598152581_580771665242769117_n.jfif

MANILA — Kinuwestiyon ng mga TNVS driver ang pagpapatupad ng itinakdang pamasahe at mataas na komisyong kinakaltas sa kanilang kita sa pagdinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkules.

Sa pagdinig, nangako ang isang transport network company (TNC) na susunod sa fare adjustment ng LTFRB, habang iginiit naman ng isang major player na naipatupad na nito ang itinakdang pickup fare.

Gayunman, kinuwestiyon ito ni TNVS Community Philippines (TCP) Chairman Walter Lugay Uy, na nagsabing hindi umano naipatupad nang tama ang ₱15 kada kilometrong pickup fare.

Ayon kay Lugay, sa halip na ₱15 sa bawat kilometrong binibiyahe ng driver upang sunduin ang pasahero, ₱15 lamang ang lumalabas na pickup fare kahit gaano kalayo ang pickup distance.

“Kung ₱15 per kilometer ang itinakda, hindi puwedeng ₱15 lang kahit ilang kilometro ang pickup. Malaking bagay ang bawat kilometro sa driver dahil kami ang gumagastos sa gasolina at oras bago pa man magsimula ang actual trip,” ani Lugay.

Binanggit din ni Lugay ang matagal nang hinaing ng mga TNVS driver hinggil sa mataas at pabago-bagong komisyon na kinakaltas sa kanilang kita.

Hiniling niya ang mas malinaw na paliwanag kung paano kinukuwenta ang commission at kung magkano talaga ang napupunta sa driver sa bawat booking.

“Hindi namin sinasabing walang karapatang kumita ang platform. Pero dapat malinaw at patas. Kung pabago-bago at napakataas ng commission, kailangang maintindihan ng driver kung paano ito kino-compute at bakit ganoon kalaki ang nababawas sa kita niya,” ani Lugay.

Ayon sa TCP, ipinakita ng pagdinig ang pangangailangang magkaroon ng mas malakas na boses ang mga driver sa mga usaping direktang nakaaapekto sa kanilang kabuhayan.

Kabilang sa matagal na ring hinaing ng TNVS drivers ang overboarding, unauthorized o “tempo” operations, commissions at deductions, pati suspension at deactivation practices.

Para sa TCP, kailangang tingnan ang mga ito bilang bahagi ng mas malawak na usapin ng pagsunod at pananagutan ng mga platform sa TNVS industry.

Ayon kay Lugay, hindi dapat paulit-ulit na kailangang itanong ng mga driver kung pantay bang ipinapatupad ang mga patakaran sa kanila at sa mga platform.

“Kapag driver ang hindi sumunod, mabilis ang pagsuspende at iba’t ibang consequence. Ang hinihingi lang namin ay pareho ang standard para sa lahat,” ani Lugay.

Sinabi ng TCP na patuloy nitong ihaharap sa LTFRB ang mga hinaing ng mga driver upang itulak ang malinaw na fare implementation, transparency sa commissions at deductions, at mas matibay na accountability sa TNVS industry.

Facebook Comments