MARIKINA CITY — Tiniyak nina Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro at Marikina First District Rep. Marcelino “Marcy” Teodoro ang kahandaan ng mga sementeryo sa lungsod para sa ligtas, maayos at mapayapang paggunita sa Undas sa kanilang inspeksiyon nitong Huwebes ng umaga, Oktubre 29.
Personal na binisita nina Mayor Maan at Cong. Marcy ang Loyola Memorial Park, Barangka Municipal Cemetery, Aglipay Cemetery, Holy Child Cemetery at Our Lady of the Abandoned (OLA) Cemetery upang suriin ang kalinisan at pangkalahatang kondisyon ng mga ito, gayundin ang mga nakapaligid na lugar, at tukuyin ang mga kinakailangang pagpapabuti bago dumagsa ang mga bibisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Kasama sa inspeksiyon ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at mga kinauukulang tanggapan ng City Hall upang matiyak na nakahanda ang mga hakbang sa seguridad at mga serbisyong pang-emerhensiya.
Ayon kay Mayor Maan, siniguro ng pamahalaang lungsod na malinis ang mga sementeryo at handa ang mga kawani na umalalay sa publiko upang maging ligtas at maayos ang pagdalaw ng mga pamilya sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
“Bago ang pagdagsa ng mga tao sa ating mga sementeryo rito sa Marikina, tiniyak natin na malinis ang mga sementeryo, at handa ang ating teams para ligtas ang mga bibisita at sila ay makakadalaw sa kanilang mga yumao nang maayos at mapayapa,” ani Mayor Maan.
Binigyang-diin din ng alkalde na mahalagang panahon ang Undas upang magsama-sama ang mga pamilya sa pag-alala sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay. Aniya, ginagawa ng pamahalaang lungsod ang lahat ng kinakailangang hakbang upang matiyak na magiging ligtas at mapayapa ang paggunita ngayong taon, gaya ng mga nagdaang taon.
Bilang paghahanda, nauna nang pinakilos ni Mayor Maan ang Ligtas na Undas Task Force at inatasan ang mga kinauukulang tanggapan na simulan ang mga paghahanda ilang linggo bago ang Undas.
Kabilang sa mga hakbang ang masusing paglilinis at clearing operations, paglalagay ng mga tauhan para sa seguridad at emerhensiya, at pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang tanggapan para sa maayos na pamamahala ng trapiko at daloy ng mga tao.
Upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa mga lugar na malapit sa mga sementeryo, magpapatupad ang pamahalaang lungsod ng one-way eastbound traffic scheme sa A. Bonifacio Avenue at Sumulong Highway mula alas-6 ng umaga ng Oktubre 31 hanggang alas-12:01 ng madaling-araw ng Nobyembre 2.
Hinimok din ni Mayor Maan ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga patakaran ng mga sementeryo.
Pinaalalahanan ang mga bibisita na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na gamit, kabilang ang mga baril, matutulis na bagay, inuming nakalalasing at mga kagamitan sa pagsusugal.
“Paalala po sa mga bibista ngayong Undas na sumunod po sa mga polisiya ng sementeryo at huwag dalhin ang mga pinagbabawal na gamit sa loob ng sementeryo,” panawagan ng alkalde.