PCSO, KINILALA SA BUONG MUNDO BILANG MODELO NG RESPONSABLENG LOTTERY AT SERBISYONG PANGKAWANGGAWA

viber_image_2026-11-10_12-29-20-525

MANILA — Kinilala ng World Lottery Association (WLA) ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) bilang natatanging modelo ng responsableng pagpapatakbo ng lottery at paggamit ng kita nito para sa mga programang pangkawanggawa.

Sa World Lottery Summit (WLS) 2026 sa Sydney, Australia, pinuri ni WLA President Andreas Kötter ang Philippine lotteries dahil sa malaking ambag nito sa pangangalap ng pondo para sa mga nangangailangan, habang pinananatili ang responsableng operasyon.

Ayon kay Kötter, magandang halimbawa ang Pilipinas kung paano nagagamit ang lottery upang makalikom ng pondo para sa mabubuting layunin at kapakinabangan ng publiko.

Binigyang-diin naman ni PCSO General Manager Melquiades A. Robles na hindi lamang kita ang sukatan ng tagumpay ng ahensiya kundi ang dami ng mga Pilipinong natutulungan nito.

Aniya, bawat pisong napupunta sa mga programang pangkawanggawa ay pagkakataong makapagbigay ng tulong medikal, suporta sa mga komunidad at makapagpabago ng buhay.

Dagdag pa ni Kötter, ikinatuwa niya ang malaking delegasyon ng Pilipinas sa summit dahil ipinakikita nito ang matibay na suporta ng bansa sa pandaigdigang lottery community at sa WLA.

Matatandaang nahalal din si Robles bilang Vice Chairman ng Asia Pacific Lottery Association (APLA) noong Setyembre 2026, na nagpapakita ng tiwala ng mga kasaping bansa sa kanyang pamumuno at pagkilala sa mahalagang papel ng Pilipinas sa pandaigdigang industriya ng lottery.

Gaganapin ang WLS 2026 hanggang Nobyembre 12 sa International Convention Centre Sydney, kung saan nagtitipon ang mga pinuno at kinatawan ng lottery industry mula sa iba’t ibang bansa upang talakayin ang responsableng gaming, mga bagong inobasyon at papel ng lottery sa pagtulong sa lipunan.

Facebook Comments