PASAY CITY — Itinulak ng Philip Morris Fortune Tobacco Corp. (PMFTC) ang pagsusulong ng smoke-free future sa pamamagitan ng inobasyon, pananaliksik at paggamit ng mga alternatibong produkto sa sigarilyo sa isinagawang Technovation Manila nitong Martes (Nobyembre 10) sa Marriott Newport World Resorts.
Ayon kay PMFTC President Jacek Olczak, mahalaga ang papel ng Pilipinas sa pagbabagong isinusulong ng kompanya tungo sa smoke-free future. Binigyang-diin niyang dapat maisalin sa aktuwal na pagbabago ang mga ideya at talakayang inilalahad sa mga kumperensiya.
Ipinaliwanag naman ni Tomaso Giovanni, vice president for communications ng Philip Morris International (PMI), na mahalaga ang inobasyon sa pag-unlad ng lipunan at pagtugon sa mga komplikadong suliranin.
Ikinuwento niya ang pagbabago sa direksiyon ng PMI noong 2009 nang magbukas ito ng research and development facility sa Neuchatel, Switzerland, bilang bahagi ng paglipat sa negosyong nakasentro sa agham at teknolohiya.
Noong 2016, inanunsiyo ng PMI ang layuning baguhin ang operasyon nito tungo sa smoke-free future. Noong 2022, binili nito ang Swedish Match upang palawakin ang hanay ng mga produktong walang usok. Samantala, noong 2025 at 2026, pinahintulutan ng US Food and Drug Administration (FDA) ang pagbebenta ng 20 ZYN nicotine pouch products sa Estados Unidos matapos ang pagsusuring siyentipiko.
Sa talakayang pinamahalaan ni Atty. Karen Jimeno, broadcaster at public affairs commentator ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Vassilis Gkatzelis, presidente ng PMI para sa East at Southeast Asia, Pacific at Global Travel Retail Region, na umabot na sa US$16 bilyon ang ipinuhunan ng kompanya sa research and development para sa smoke-free products mula 2008.
Ayon kay Gkatzelis, nasa 110 bansa ang saklaw ng operasyon ng PMI, habang mahigit isang bilyon ang naninigarilyo sa buong mundo. Binanggit niya ang Japan at Italy bilang mga bansang pinagsimulan ng mga programang naglalayong hikayatin ang mga naninigarilyo na lumipat sa smoke-free products. Sa Japan, isa sa bawat dalawang legal-age smokers ang umano’y tumigil na sa paninigarilyo.
Inihambing din niya ang mga polisiya sa Australia at New Zealand, partikular ang epekto ng regulasyon at ilegal na kalakalan ng tabako. Binigyang-diin niyang mahalagang matiyak na mga nasa tamang edad lamang ang makakagamit ng mga produktong may nicotine.
Sinabi rin ni Gkatzelis na mayroon nang 1,500 siyentista ang PMI mula sa iba’t ibang disiplina at bukas sa pagsusuri ng publiko ang kanilang pananaliksik.
Para naman sa Pilipinas, sinabi niyang umabot na sa US$2 bilyon ang pamumuhunan ng kompanya mula 2010, habang tinatayang 14 milyon ang adult smokers sa bansa.
Layunin umano ng PMI na makamit ang 60 porsiyentong paglipat mula sa sigarilyo tungo sa smoke-free products pagsapit ng 2030. Mayroon na rin itong 30 merkado sa buong mundo na nagsusulong ng naturang pagbabago.
Gayunman, aminado si Gkatzelis na hindi pa sapat ang kasalukuyang antas ng paglipat ng mga naninigarilyo sa alternatibong produkto kaya patuloy ang kanilang pamumuhunan sa pananaliksik at inobasyon upang maisulong ang smoke-free future.