San Juan City – Pinabulaanan ni Mayor Francis Zamora ang alegasyon ni Senator Jinggoy Estrada na mayroon siyang 30,000 flying voters sa San Juan. Nagpatawag si Zamora ng press conference sa kanyang taggapan noong Nobyembre 21, 2024, upang linawin ang mga paratang na lumabas sa COMELEC budget hearing noong Nobyembre 18.
Isa sa mga isyung binanggit ni Estrada ay ang umano’y 32.13% pagtaas sa bilang ng mga botante sa San Juan mula 2016 hanggang 2022. Ayon sa senador, indikasyon ito ng pagkakaroon ng mga “flying voters” o mga botanteng iligal na nairehistro.
Mariing itinanggi ni Mayor Zamora ang mga paratang at tinawag itong walang basehan. Ani niya, “Meron daw 30,000 flying voters sa San Juan. Ang tanong ko, nasaan sila? Meron ba silang ebidensya—mga litrato o video—na nagpapakita ng pag-hakot ng mga tao para magparehistro? Wala akong kailangan na flying voters para manalo sa San Juan.”
Ipinaliwanag din ng alkalde na walang inihaing petisyon ang kampo ni Estrada mula 2019 hanggang 2022 upang ipatanggal ang sinasabing mga iligal na botante, kahit may legal na proseso para rito. Dagdag pa niya, kamakailan ay may 1,224 botante na kinuwestyon ng kampo ni Estrada, ngunit napatunayang lehitimong residente ng San Juan ang mga ito ayon sa Election Registration Board. Sinabi rin ni Zamora na halos 9,000 botante ang tinanggal ng COMELEC kamakailan dahil sa mga namatay na o nadoble ang rehistrasyon.
Hinamon ni Mayor Zamora si Senator Estrada na patunayan ang kanyang mga paratang. “Hinahamon ko kayo, Sen. Estrada, mag-file kayo ng exclusion sa korte. Sasamahan ko pa kayo kung kinakailangan. Huwag kayong magtago sa inyong parliamentary immunity,” aniya.
Nang tanungin tungkol sa pagtawag sa kanya ni Estrada na “gago,” tumanggi si Zamora na makipagsagutan. “Hindi ako pinalaki ng magulang ko na maging bastos. Nakakalungkot na ang isang mataas na opisyal ay nagpapakita ng ganitong asal. Hindi ko siya papatulan,” sabi ng alkalde.
Nilinaw din ni Zamora ang isyu sa residency ng tumatakbong konsehal na si Renren Ritualo. Ayon sa kanya, lehitimong residente ng San Juan si Ritualo. “Kung gusto ninyo, puntahan natin ang kanyang address. Ako’y kumpiyansa na siya ay taga-San Juan,” ani Zamora.
Sinagot din ni Zamora ang puna ni Estrada na puno ng basketball players ang city council. “May masama ba sa pagiging basketball player? Ang disiplina, tiyaga, at teamwork na natutunan ko sa basketball ay malaking tulong sa pagiging lider. Ang mga konsehal naming basketball player ay maayos at disiplinado. Ang tanong ko, bakit ganyan ang tingin niya sa basketball players, gayong may sarili siyang team, ang San Juan Knights?”
Tiwala si Zamora na hindi niya kailangan ng flying voters upang muling mahalal. “Ang tiwala ng mga San Juaneño sa amin ang dahilan ng maayos na pagbabago sa lungsod. Napatunayan na namin ang aming serbisyo noong 2022, kaya tiwala akong patuloy nilang susuportahan ang aming liderato,” wika ng alkalde.
Sa kabila ng lumalalang alitan, bukas si Zamora sa posibilidad ng pagkakasundo sa Estrada family. “Kung sinsero sila, dapat nilang ipakita na totoo sila sa kanilang hangarin,” pagtatapos ng alkalde.