image

SAN JUAN CITY – Ipinagdiwang ng Task Force Kasanag (TFK) Elite 888 Corp. ang kanilang unang anibersaryo noong Miyerkules (Enero 29) sa Club Filipino. Ang tema ng selebrasyon ay: “Partnership, paving the way for Country’s vision for Education and Employability” na tumutok sa kahalagahan ng pagtutulungan para sa edukasyon at trabaho.

Ang TFK Elite 888 Corp. ay isang subsidiary ng Task Force Kasanag International (TFKI), na pinamumunuan ng tagapagtatag at pangulo nitong si Dr. John J. Chiong. Kilala si Dr. Chiong bilang isang masigasig na tagapagtaguyod laban sa katiwalian, iligal na droga, krimen, at terorismo.

Kabilang sa mga espesyal na panauhin sina Engr. Selwyn Lao, Ben Figura mula sa DWBL, Donabelle Fabon mula sa AIT Tarlac, Maria Elena Ortiga, at isang kinatawan mula sa Landbank of the Philippines.

Sa kanyang talumpati, binati ni Dr. Chiong ang lahat ng “Kung Hei Fat Choi” bilang paggunita sa Chinese New Year, lalo na ang mga may lahing Tsino. Sinabi niya na wala siyang masyadong sasabihin dahil ito na ang simula ng ikalawang taon ng TFK Elite 888. Ipinahayag din niya na ipagdiriwang ng Task Force Kasanag ang ika-16 anibersaryo nito sa Hulyo 3, 2025.

“Ang Task Force Kasanag ay may dalawang simbolo – kaibigan sa mabubuting gawa at kalaban ng katiwalian,” aniya. Nagpahayag siya ng taos-pusong pasasalamat sa lahat ng sumusuporta, mga kaibigan, panauhin, at opisyal ng TFK. “Tayo ay bahagi ng solusyon, hindi ng problema,” dagdag pa niya.

Nanawagan din si Dr. Chiong sa mga Pilipino na huwag isisi sa gobyerno ang lahat ng masamang nangyayari, dahil bahagi rin tayo ng bayan at may pananagutan o panlipunang responsibilidad. Bakit may mga taong reklamo nang reklamo pero hingi naman nang hingi, tanggap nang tanggap, at pagkatapos ay sila pa ang unang nagrereklamo tungkol sa serbisyo?

Kung gusto natin ng pagbabago, ito ang hamon: subukan natin kahit minsan lang. Hindi naman tayo magkakasakit kung tatanggihan natin ang isang libo mula kay mayor, at lalo namang hindi tayo mamamatay kung hindi natin tatanggapin ang sampung libo mula kay congressman.

Mas mabuti pang ipakita natin sa kanila na hindi tayo nabibili. Ito ang hamon ko sa lahat—subukan natin sa darating na eleksyon na huwag tumanggap kahit piso mula sa mga pulitiko. Sobra na sila, kaya kung tunay nating nais ang pagbabago, huwag tayong tatanggap o hihingi ng pera mula sa kanila. Hayaan natin silang gumastos ng sarili nilang pera, at tayo naman ang magtuturo sa kanila ng tamang landas. Tayo ang dapat magpakita ng tamang halimbawa, hindi tayo ang dapat bumababa sa kanilang laro. Hindi lahat ng Pilipino ay kaya nilang bilhin.

Samantala, binigyang-diin ni Ma. Cristita Chiong, Chairwoman ng TFK Elite 888 Corp., ang mga pagsubok na kanilang hinarap sa unang taon. Pinuri niya ang kanilang mga partner mula sa Guimaras, Iloilo City, Bacolod City, Negros Occidental, Bohol, Pangasinan, at Tarlac. Espesyal din niyang binati si Dr. Gabby Ramos mula sa Imus, Cavite bilang bagong miyembro ng TFK Elite 888.

Nagpasalamat siya sa dedikasyon at malasakit ng kanilang mga kasamahan, na patuloy na magtataguyod ng isang mundo kung saan walang maiiwanan. Pinapurihan din ni Dr. Chiong ang mga bagong accredited partners ng TFKI dahil sa kanilang matagumpay na pakikipagtulungan.

Nagpadala naman ng pagbati at suporta si ARTA Director General Secretary Ernesto V. Perez at DOTC Usec. Jesus Ortega para sa TFK Elite 888. Bagama’t hindi sila nakadalo dahil sa naunang mga obligasyon, nangako silang dadalo sa susunod na pagkakataon. ( PHOTO BY: JIMMY CAMBA)

image

image

image

image