QUEZON CITY — Pormal nang inilunsad ang Women Economic Forum (WEF) ASEAN 2026 Philippines noong Pebrero 4 sa The Great Eastern Hotel sa Quezon City, sa pangunguna ni Dr. Maricor M. Malitao, Executive Vice President ng WEF ASEAN 2026 Philippines at event organizer.
Bitbit ng forum ang temang “Women Leaders: Creating a SHEconomy Environment of Inclusive Growth and Economic Sustainability – Together WE Navigate the Future,” na naglalayong palakasin ang papel ng kababaihan sa inklusibong paglago ng ekonomiya at pangmatagalang kaunlaran sa rehiyon.
Ang ribbon-cutting ceremony ang nagsilbing opisyal na hudyat ng pagsisimula ng WEF ASEAN 2026 Philippines. Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Dr. Malitao ang suporta ng Tanggapan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, ng Vice Governor ng Nueva Ecija, mga opisyal ng Comelec, at mga dating lider ng Rotary sa Maynila.
Dumalo sa paglulunsad ang mga opisyal ng Nueva Ecija, Rotary 3810, mga kinatawan ng MSMEs, kababaihan mula sa construction at infrastructure sector, multi-sectoral organizations, at mga kinatawan mula sa lokal at internasyonal na komunidad ng negosyo, kabilang ang Asia United Bank, Malaysian Chamber, Tourism Council of the Philippines, India Asian Chamber of Commerce, at ang Prime Halal Industry mula United Arab Emirates.
Kabilang din sa mga panauhin sina Dr. Ramona Ines Bustamante at mga opisyal ng Rotary Clubs mula sa Chinatown Manila, Carmona, at Lumang Bacoor.
“Isang karangalan ang opisyal na paglulunsad ng WEF ASEAN 2026 Philippines. Ang temang ito ay isang makapangyarihang hakbang upang maitaas ang pamumuno ng kababaihan sa antas ng ASEAN at ng buong mundo,” ani Dr. Malitao.
Nagpahayag naman ng suporta si Dr. Hartini Osman, G100 Global President mula Malaysia, at inihayag ang kanyang pagbabalik sa Pilipinas para sa ASEAN Women Economic Meeting 2026 na gaganapin mula Hunyo 18 hanggang 21. Ayon sa kanya, may mahigit 500,000 miyembro ang G100 Global sa buong mundo. Sa hiwalay na video message, sinabi ni Dr. Rai mula India na ang G100 ay isang pandaigdigang kilusan na layong palakasin ang pamumuno ng kababaihan, lalo na sa pamamagitan ng digital platforms.
Kinatawan ni Quezon City Councilor Dr. Eleonor “Eli” Juan si Mayor Joy Belmonte, na muling iginiit na ang kaunlaran ay walang kinikilalang sektor at patuloy na isinusulong ng lungsod ang kabuhayan ng kababaihan. Ayon sa pamahalaang lungsod, mahigit 60,000 benepisyaryo ang natulungan sa pagtatayo ng negosyo, at halos 40 porsiyento ng humigit-kumulang 70,000 negosyo sa Quezon City ay pag-aari ng kababaihan.
Ipinresenta rin ang opisyal na website na wefasean.org, na nagsisilbing pangunahing plataporma ng impormasyon para sa WEF ASEAN 2026 Philippines at G100.
