APPCU 2026 Awards Inilunsad; Bukas na ang Nominasyon

MANILA — Inilunsad noong Biyernes (Marso 6) ang ika-6 na Award for Promoting Philippines–China Understanding (APPCU 2026) sa isang press conference na ginanap sa gusali ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc.(FFCCCII) sa Binondo, Manila.
Pinangunahan ni Raul Lambino, chairman at presidente ng Association for Philippines-China Understanding (APCU), ang paglulunsad kasama ang Board of Trustees ng organisasyon sa koordinasyon ng Embassy of the People’s Republic of China in the Philippines. Nagpasalamat din siya sa Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) sa pagpapagamit ng venue.
Ayon kay Lambino, unang inilunsad ang parangal noong 2020 nina Alejandro Roces at dating pangulo at ngayo’y Pampanga Representative na si Gloria Macapagal-Arroyo. Layunin nitong kilalanin ang mga Pilipinong tumutulong sa pagpapalakas ng ugnayan at pagkakaunawaan ng Pilipinas at China.
Binanggit din niya na patuloy ang people-to-people exchanges ng dalawang bansa at may mga tulong na naipadala ang China sa Pilipinas, kabilang ang donasyon ng bigas sa pamamagitan ng APCU at ng ilang negosyanteng Chinese.
Aniya, mahalaga ang diplomasya sa pagresolba ng mga isyu sa West Philippine Sea o South China Sea, at nagpahayag siya ng tiwala sa kakayahan ng Department of Foreign Affairs at ni Teresa Lazaro sa pagpapanatili ng maayos na relasyon sa China.
Sinabi rin ni Lambino na mahalaga sa ekonomiya ng Pilipinas ang turismo mula China at patuloy na nagsusulong ang APCU ng mas malalim na ugnayan sa larangan ng edukasyon, kalusugan, at people-to-people exchanges. Ayon naman kay APCU Director Lily Tan Lim, bukas na ang nominasyon para sa ika-6 na APPCU Awards.
Samantala, sinabi ni APCU Director Joaquin Sy na layunin ng APPCU na kilalanin ang mga Pilipinong nag-aambag sa pagpapalakas ng pagkakaunawaan ng dalawang bansa. Ayon naman kay Director Mafee Cai, maaaring isumite ang nominasyon sa website o email ng APCU at bukas ito sa lahat ng Pilipino.
Sinabi naman ni APCU Vice Chairman Sixto Benedicto na matagal nang may mga Pilipinong nagsusulong ng mabuting relasyon sa China. Hinihikayat naman ni Director Brian James Lu ang mga magsusumite ng nominasyon na malinaw na ipaliwanag kung paano nakatulong ang kanilang nominado sa pagpapalakas ng ugnayan ng dalawang bansa.
Target ng APCU, na idaos ang awards night sa kalagitnaan ng Hunyo, depende sa magiging availability ng venue.
Facebook Comments