Pormal nang inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) ang National AI Center for Research and Innovation (NAICRI) noong Pebrero 26 sa Manila Hotel, sa pangunguna ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr., DOST Undersecretary for Research and Development Leah J. Buendia, at DOST-Advanced Science and Technology Institute (ASTI) Director Franz A. de Leon.
Ayon kay Buendia, magsisilbing plataporma ang NAICRI upang paigtingin ang paggamit ng artificial intelligence (AI) sa paghubog ng mga industriya ng hinaharap at matiyak na ang agham at teknolohiya ay direktang nakikinabang ang taumbayan. Pinasalamatan din niya ang mga katuwang na ahensiya tulad ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH), gayundin ang pribadong sektor.
Sinabi naman ni Solidum na ang AI ay isa nang “general purpose industry” at kailangan ng malinaw na direksiyon, mas pinaigting na research and development, maayos na imprastruktura, at mahusay na pamamahala ng datos. Isa sa mga hamon ang magkakahiwalay na datos ng iba’t ibang ahensiya, kabilang ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa loob ng 90 araw, magsasagawa ang DOST ng pagsusuri sa kakayahan at imprastruktura ng AI sa bansa. Mayroon na ring 124 pilot sites para sa NAICRI at nakahandang makipagtulungan si Education Secretary Sonny Angara upang mapalawak ang paggamit nito sa edukasyon. Layunin din ng DOST na sanayin ang mga kawani ng pamahalaan at matulungan ang 10,000 micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa pamamagitan ng AI.
Binigyang-diin ng mga opisyal na bagama’t hindi solusyon sa lahat ang AI, isa itong mahalagang kasangkapan upang makabuo ng mas mahusay na polisiya, programa, at serbisyong pampubliko.
Facebook Comments