Buhay sa Gitna ng Dagat: PCSO Nagbigay ng Kauna-unahang AI X-Ray sa Navy

Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nagkaloob ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng limang ultra-portable at de-bateryang AI X-ray unit sa Philippine Navy.
 
Pinangunahan ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang turnover na tinanggap ni Vice Admiral Jose Ma. Ambrosio Ezpeleta. Ayon kay Robles, ang mga unit ay hindi lang kagamitan kundi “tagapagligtas ng buhay” na maaaring dalhin saanman mag-operate ang Navy—mula sa malalayong outpost hanggang sa gitna ng karagatan.
 
Tumitimbang lamang ng 2.4 kilo ang bawat X-ray at hindi nangangailangan ng permanenteng suplay ng kuryente. Idinisenyo ito para magamit sa mga barko sa oras ng emerhensiya. May built-in AI ito na nagbibigay ng agarang gabay sa pagsusuri, kaya mas mabilis ang desisyon ng medical team sa kritikal na sitwasyon.

 

Bilang pangunahing puwersang pandagat ng AFP, mahalaga ang papel ng Navy sa depensa at disaster response. Ayon sa PCSO, ang donasyon ay mula sa Medical Equipment Donation Program (MEDP) at bunga ng suporta ng publiko sa kanilang gaming products.

 

Pinuri naman ni Vice Admiral Ezpeleta ang donasyon bilang malaking tulong sa combat casualty care at disaster response. Sa pamamagitan ng portable X-ray, maaari nang magsagawa ng agarang pagsusuri sa loob mismo ng barko—natutukoy agad ang pinsala o sakit tulad ng TB at nababawasan ang delikadong medical evacuation.

 

Iginiit ng PCSO na patuloy silang tutulong sa mga institusyong nagsisilbi sa bayan, lalo na sa mga nasa mahihirap at mapanganib na lugar.
Facebook Comments