PAL flight nalito sa destinasyon; mga pasahero ligtas na nakarating sa Cauayan

Credits to Mayor Francis Zamora's FB page

Ligtas na nakarating sa Cauayan, Isabela ang mga pasahero ng isang Philippine Airlines (PAL) flight matapos magkamali ng anunsyo ang flight attendant hinggil sa destinasyon ng eroplano.

 

Batay sa Facebook post ni San Juan Mayor Francis Zamora nitong Abril 12, 2026, 12:18 ng madaling araw, inakala ng mga pasahero na patungo sila sa Caticlan, Aklan para sa Boracay, matapos itong anunsyuhin ng flight attendant sa pagsisimula ng biyahe.

 

Bago lumapag ang eroplano, humingi ng paumanhin ang naturang crew at nilinaw na sa Cauayan Airport sa Isabela talaga nakatakdang dumating ang flight.

 

Ayon kay Zamora, ipinaliwanag ng flight attendant na siya ay orihinal na naka-assign sa Caticlan flight ngunit nalipat sa Cauayan flight sa huling minuto, na naging sanhi ng kalituhan. “Mabuti na lang at hindi ako nag-swimsuit,” ang naging pabirong pahayag ng alkalde sa kanyang post.

 

Walang naiulat na nasaktan o naantala sa mga pasahero. Ang PAL ay nagsimulang mag-operate ng arawang biyahe sa pagitan ng Maynila at Cauayan noong Enero 15, 2025. Ang biyahe ay tumatagal ng humigit-kumulang 65 minuto, mas maikli kumpara sa dating 10-oras na biyahe sa lupa.

 

Itinuturing ng airline ang insidente bilang isang isolated na pagkakamali. Karaniwang nagiging sanhi ng ganitong insidente ang pagkapagod ng crew, biglaang pagbabago sa flight assignment, at sabay-sabay na tungkuling kailangang gampanan sa bawat biyahe, ayon sa mga eksperto sa industriya ng abyasyon. Patuloy na iniimbestigahan ng PAL ang pangyayari upang maiwasan ang pag-ulit nito.

Facebook Comments