MANILA — Nag-deploy ang Philippine Red Cross (PRC) ng mga Medical Corps Volunteers sa San Lazaro Hospital upang dagdagan ang manpower ng ospital habang patuloy na tumataas ang bilang ng mga pasyenteng may leptospirosis.
Ang deployment ay isinagawa matapos humiling ang San Lazaro Hospital kay PRC Chairman at CEO Richard J. Gordon ng karagdagang medical at support personnel, kabilang ang mga may nursing at hemodialysis-related experience, upang makatulong sa inaasahang pagdami ng mga pasyente.
Nagsimula ang PRC Medical Corps Volunteers sa kanilang serbisyo noong Agosto 25. Sa unang araw pa lamang, nakapagsilbi ang team sa 67 pasyente sa mga hospital ward, kabilang ang patient monitoring at iba pang mahahalagang nursing support.
Noong Agosto 26, nagdagdag ang PRC ng 22 personnel na binubuo ng pitong registered nurses, 13 senior nursing students o underboards, at dalawang support volunteers. Magpapatuloy ang deployment depende sa pangangailangan ng ospital at sa koordinasyon nito sa PRC.
Ayon kay Gordon, mananatiling handa ang PRC na tumugon sa mga health institution na nangangailangan ng karagdagang suporta.
Sinabi naman ni PRC Secretary General Dr. Gwendolyn Pang na nakatutok ang Medical Corps Volunteers sa pagbibigay ng dagdag na manpower habang hinaharap ng San Lazaro Hospital ang surge ng mga pasyente.
Bukod sa San Lazaro Hospital, inatasan din ni Gordon ang mga PRC chapter sa buong bansa na makipag-ugnayan sa mga ospital sa kanilang mga lugar upang matukoy kung alin ang nakararanas ng pagtaas ng bilang ng pasyente o nangangailangan ng karagdagang tauhan.
Patuloy na imo-monitor ng PRC ang sitwasyon ng leptospirosis sa buong bansa at makikipag-ugnayan sa mga health institution upang matiyak na maibibigay ang kinakailangang suporta sa mga pasyente at healthcare workers.