QUEZON CITY — Iginiit ng Department of Agrarian Reform (DAR) na hindi lamang sa dami ng lupang naipamahagi dapat masukat ang tagumpay ng repormang agraryo, kundi sa mga programang tunay na nakikinabang ang mga magsasaka.
Ayon kay DAR Undersecretary Rowena Niña O. Taduran, mahalaga ang pagkakaroon ng sariling lupa dahil nagbibigay ito ng seguridad sa mga magsasaka. Mahalaga rin aniya na marinig ang kanilang boses sa mga usaping pambansa.
Binigyang-diin ni Taduran ang Republic Act 11953 o New Agrarian Reform Emancipation Act, na nagkondona sa ₱57.87 bilyong utang ng agrarian reform beneficiaries (ARBs).
Sa ilalim nito, patuloy ding ipinapamahagi ng pamahalaan ang mga land titles o e-titles. Ayon sa DAR, 19,967 titulo na sumasaklaw sa humigit-kumulang 19,000 ektarya ang naipamahagi na.
Gayunman, nananatiling hamon ang ilang landholding disputes na nakaaantala sa pamamahagi ng lupa. Kabilang dito ang mga usapin sa just compensation at farmer-to-farmer disputes sa Hacienda Luisita.
Bagama’t nagtapos na noong Hunyo 30, 2024 ang mandato ng DAR sa pamamahagi ng lupa sa ilalim ng CARP, mayroon pa ring tinatayang 900,000 ektarya ng government-acquired lands na maaaring ipamahagi.
Pinalalakas din ng DAR ang mga support services para sa mga magsasaka, kabilang ang farm-to-market roads, tulay, legal assistance, farm inputs, makinarya, kredito at marketing assistance.
Mula Hulyo 22, 2025 hanggang Hulyo 2026, sinabi ng DAR na 537 farm-to-market roads na may kabuuang 45.08 kilometro ang naitayo, habang 89 FMR projects ang nagpapatuloy.
Ayon kay DAR Chief Agrarian Reform Officer Sol Peralta, katuwang ng ahensya ang iba pang government agencies tulad ng Department of Agriculture, National Irrigation Administration, Philippine Coconut Authority at Development Bank of the Philippines sa pagbibigay ng suporta sa mga ARB.
Gumagamit din ang DAR ng digitalization at geotagging upang matiyak na ang mga farm machinery at kagamitan ay napupunta sa mga kwalipikadong benepisyaryo. Nagbibigay rin ito ng libreng legal assistance at iba pang tulong para sa kabuhayan at rehabilitasyon ng mga nasirang kagamitan.
Samantala, binigyang-diin ng DAR ang pangangailangan para sa National Land Use Act upang maprotektahan ang mga lupang agrikultural.
Para kay Taduran, ang tunay na sukatan ng tagumpay ng repormang agraryo ay hindi lamang ang lawak ng lupang naipamahagi, kundi kung ang mga reporma, programa at polisiya ay tunay na nakapagpapabuti sa buhay ng mga magsasaka.