MANILA — Nahalal bilang Vice Chairman ng Asia Pacific Lottery Association (APLA) si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Melquiades A. Robles, na naging kauna-unahang Filipino na humawak ng naturang mataas na posisyon sa regional lottery organization.
Naganap ang halalan sa 2026 APLA General Assembly na ginanap noong Setyembre 1 hanggang 4 sa Seoul, South Korea. Magsisilbi si Robles ng dalawang taong termino hanggang 2028.
Isa itong panibagong makasaysayang tagumpay para sa Pilipinas sa international lottery sector. Noong Setyembre 2024, si Robles din ang naging unang Filipino na nahalal sa APLA Executive Committee.
Ayon kay Robles, ang kanyang pagkakahalal ay hindi lamang personal na karangalan kundi pagkilala rin sa Pilipinas at sa mga isinasagawang hakbang ng PCSO tungo sa transparency, integrity at responsible gaming.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, umangat ang PCSO mula Level 1 hanggang Level 3 accreditation sa ilalim ng Responsible Gaming Framework ng World Lottery Association sa loob lamang ng tatlong taon. Kabilang dito ang pagpapatupad ng mga programa para sa proteksiyon ng mga manlalaro at pagsusulong ng responsable at etikal na operasyon.
“This is not only a personal honor but, more importantly, a recognition of the Philippines and the meaningful work being undertaken by PCSO,” ani Robles.
Dagdag niya, layunin ng PCSO na mas aktibong makibahagi sa regional cooperation, responsible gaming, innovation, at paggamit ng kita mula sa lottery para makatulong sa mga komunidad.
Itinatag noong 2000, ang APLA ay isa sa limang regional associations ng World Lottery Association. Kinakatawan nito ang mga lottery operators at industry partners sa Asia-Pacific region at nagsisilbing plataporma para sa pagbabahagi ng kaalaman at international best practices.
Sa kasalukuyan, mayroon itong 21 full members mula sa 12 bansa at 26 associate members mula sa 13 bansa sa Asia, Europe at North America.
Bilang Vice Chairman, magkakaroon ang PCSO at Pilipinas ng mas malakas na boses sa mga usapin tungkol sa responsible gaming, technological innovation, lottery security, industry integrity, at paggamit ng lottery revenues para sa kapakanan ng publiko.
Binibigyang-diin din ng APLA at World Lottery Association ang responsible gaming upang matiyak na ang lottery games ay patas, ligtas at transparent, habang pinoprotektahan ang mga manlalaro, lalo na ang mga menor de edad at vulnerable individuals.
Binigyang-diin ni Robles na hindi lamang dapat nakatuon ang lotteries sa paglikom ng kita kundi sa malinaw na pampublikong layunin, kabilang ang pagtulong sa healthcare, social services at iba pang programang nakapagpapabuti sa buhay ng mga tao.
Ang prinsipyong ito ay kaakibat ng mandato ng PCSO bilang pangunahing charity arm ng pamahalaan. Ang kita mula sa lottery at sweepstakes operations nito ay ginagamit para pondohan ang medical assistance, health-related programs, mandatory government contributions, suporta sa local government units, at tulong sa mga komunidad na apektado ng kalamidad at emergency.
“PCSO’s participation in APLA allows us to bring home valuable lessons from other jurisdictions while also showing the international community how lottery revenues can become a meaningful instrument for charity and nation-building,” dagdag ni Robles.
Ang 2026 APLA General Assembly ay dinaluhan ng mga lottery leaders at industry experts mula sa iba’t ibang bansa sa rehiyon sa ilalim ng temang “Sustainable Gaming and Innovation, New Trends.” Tinalakay sa pagtitipon ang responsible gaming policies, emerging technologies, sustainable lottery operations at mga bagong pandaigdigang trend sa lottery industry.