ANGARA PINANGUNAHAN ANG 2026 NATIONAL TEACHERS’ MONTH KICK-OFF SA CAGAYAN DE ORO

viber_image_2026-09-05_14-05-58-812

LUNGSOD NG CAGAYAN DE ORO, Setyembre 5, 2026 — Pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara ang opisyal na pambansang pagbubukas ng 2026 National Teachers’ Month nitong Sabado, bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga guro sa ilalim ng temang “Teacher, Ikaw Naman.”

Sa kick-off program na ginanap sa Limketkai Atrium, binigyang-pugay ni Angara at iba pang panauhin ang mga guro at binigyang-diin na sila naman ang dapat pasalamatan, ipagdiwang at bigyang-prayoridad.

Sa kanyang keynote message, pinasalamatan ni Angara ang mga inisyatiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa kapakanan ng mga guro.

“Basta kakayanin, ibibigay ng ating Pangulo. That is also the philosophy of the Department of Education: kung ano ang makakayang ibigay natin sa ating mga guro, ibibigay natin,” pahayag ni Angara.

Binigyang-diin din niya ang dedikasyon ng mga guro sa pagpapanatili ng mga paaralan bilang ligtas at maalagang kapaligiran, lalo na sa harap ng mga hamon sa kaligtasan sa paaralan.

“In this age of artificial intelligence, there will never be a substitute for a warm hug, a warm pat on the shoulder, or even saying hi and mentioning the name of our learners,” sabi ni Angara, habang binigyang-diin ang kahalagahan ng personal na malasakit sa mga mag-aaral.

viber_image_2026-09-05_14-05-55-656

Naging tampok sa programa ang mga makukulay na cultural performance, video tribute para sa mga guro ng Mindanao, Bench Cheering Competition ng anim na rehiyon sa Mindanao, variety shows, interactive entertainment at raffle prizes.

Inilunsad din ang Special Commemorative Cover ng Philippine Postal Corporation at kinilala ang mga natatanging guro, kabilang sina 2026 Metrobank Foundation Most Outstanding Filipino awardee Shiela Marie Amigo ng Zamboanga Sibugay at DepEd Hero Jeric Maribao ng Misamis Occidental.

viber_image_2026-09-05_10-15-30-064

Nagkaloob naman ang McDonald’s Philippines ng 50 ReClassified Chairs para sa East City Central School, bukod sa pagkain, interactive exhibits at raffle prizes para sa mga dumalo.

Nagkaroon din ng community singing ng “Hawak Kamay” at isang espesyal na video message mula kay First Lady Louise Araneta-Marcos.

“As a teacher myself, I know the sacrifices you go through. I know about the patience, dedication, and the heart to teach and inspire your students every day,” pahayag ng First Lady.

viber_image_2026-09-05_14-05-53-210

Samantala, iniulat ni Angara ang mga reporma ng DepEd para mapabuti ang kondisyon sa pagtatrabaho ng mga guro.

Sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System, naisulong na ng DepEd ang promosyon ng mahigit 93,000 guro at school heads, habang patuloy na pinapalinaw ang career path ng mga nasa propesyon.

Upang mabawasan ang administrative burden, binawasan din ang regular na school forms mula 174 tungo sa lima, para mas makapagtuon ang mga guro sa pagtuturo at paggabay sa mga mag-aaral.

Pinalawak din ang mga benepisyong pinansyal at medikal sa ilalim ng Kabalikat sa Pagtuturo Act. Nadoble ang non-taxable annual teaching allowance mula PHP5,000 tungo sa PHP10,000, habang may taunang medical allowance na hanggang PHP7,000.

viber_image_2026-09-05_10-15-28-656

Makatatanggap din ang mga guro ng limang araw na paid annual wellness leave at pinalawak na Vacation Service Credits na may limitasyon hanggang 30 araw bawat taon.

Nagpaabot din si Angara ng pasasalamat sa mga organisasyon at pribadong kumpanyang patuloy na sumusuporta sa mga programa para sa edukasyon at kapakanan ng mga guro.

Magtatagal ang National Teachers’ Month hanggang Oktubre 5, na siyang National Teachers’ Day.

 

Facebook Comments