PTFOMS at PDEA, pinagtibay ang pagtutulungan para sa kaligtasan ng mga media worker

799334140_1546623764174598_1656521377985063259_n

MANILA — Pinagtibay ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kanilang pagtutulungan para mapalakas ang seguridad at proteksiyon sa mga media worker na nagsisilbing insulating witnesses sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.

Sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan nitong Martes, Setyembre 8, 2026, magpapatupad ang dalawang ahensya ng mga hakbang para maprotektahan ang mga media worker laban sa posibleng pagganti o pananakot mula sa mga akusado sa mga kasong droga.

Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez, karapat-dapat ang mga media worker na nagsisilbing insulating witnesses sa buong suporta ng mga institusyon dahil sa kanilang katapangan at mahalagang papel sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

799274637_1546623884174586_1751511054679662899_n

Tiniyak ni Nerez ang patuloy at maayos na pagpapatupad ng kasunduan, kasabay ng pagbibigay-diin sa kahalagahan ng press freedom, pananagutan sa publiko at kaligtasan ng mga media worker.

Sinabi naman ni PTFOMS Executive Director Undersecretary Jose A. Torres Jr. na ang proteksiyon sa mga mamamahayag at media worker ay isang pananagutang dapat pagsaluhan ng mga institusyon.

“Ang media security at press freedom ay hindi magkasalungat na layunin. Magkatuwang ang mga ito,” ani Torres.

800696591_1546624130841228_7872700152483767787_n

Sa ilalim ng MOA, bibigyan ng kaukulang proteksiyon at suporta ang mga media worker na nagsisilbing insulating witnesses alinsunod sa Section 21 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Hindi tulad ng karaniwang testigo, may partikular na tungkulin ang insulating witnesses na obserbahan at patunayan ang ilang proseso ng mga law enforcement agency sa mga operasyon laban sa ilegal na droga.

Kabilang sa mga nakasaad sa kasunduan ang pagtatatag ng case-referral at investigation system upang mabilis na matugunan ang mga banta laban sa media worker, gayundin ang joint monitoring mechanism para sa ligtas na pagbabahagi ng impormasyon at pagsubaybay sa mga kasong may kinalaman sa media personnel.

800051321_1546624200841221_6894959962003515306_n

Magbibigay rin ng protective custody, material assistance at referral para sa psychosocial services sa mga nangangailangang media worker. Ibabahagi rin ng PDEA sa PTFOMS ang kanilang kaalaman at karanasan upang higit pang mapalakas ang mga safety protocol para sa mga mamamahayag at iba pang media worker.

Ang PDEA, na itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 9165, ang pangunahing ahensya ng pamahalaan na nagpapatupad ng mga batas laban sa ilegal na droga sa bansa.

799843777_1546623967507911_5952685156464955420_n

Facebook Comments