SORSOGON — Pinalalakas ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang pagsusulong ng wika, kultura at pananaliksik sa rehiyon sa pamamagitan ng pagpapanibago ng kontrata ng Sentro ng Wika at Kultura ng Sorsogon State University (SWK-SorSU) at paglagda sa Memorandum ng Unawaan (MOU) para sa pagtatatag ng Sentro ng Wika at Kultura ng St. Louise de Marillac College of Sorsogon (SLMCS).
Lumagda sa mga kasunduan sina KWF Tagapangulong Atty. Marites A. Barrios-Taran at Fultaym Komisyoner para sa Programa at Proyekto na si Dr. Carmelita C. Abdurahman bilang mga kinatawan ng komisyon. Isinagawa ang paglagda noong Oktubre 2, 2026, sa boardroom ng Sorsogon State University (SorSU).
Nagbigay ng mensahe at nagpaliwanag sa layunin ng gawain si Barrios-Taran. Nagpahayag naman ng hiwalay na mensahe si Abdurahman bilang pagpapakita ng suporta sa pagpapatibay ng mga programa at proyektong nakatuon sa pananaliksik at kultura sa rehiyon.
Bahagi ng nasabing gawain ang pagpapalakas ng ugnayan ng KWF at mga institusyong pang-edukasyon sa pagsusulong ng mga programang pangwika at pangkultura. Sa pamamagitan ng pagpapanibago ng kasunduan sa SWK-SorSU at pagtatatag ng bagong sentro sa SLMCS, naitataguyod ang pakikipagtulungan ng mga institusyon sa mga gawaing may kaugnayan sa wika, kultura at pananaliksik.
Nakiisa rin sa programa sina Dr. Evelyn C. Oliquino, KWF Komisyoner para sa Wikang Bikol; Sr. Maria Felipa Fe C. Javen, DC, pangulo ng SLMCS; Dr. Jhonner D. Ricafort, pangalawang pangulo para sa mga gawaing akademiko ng SorSU; Dr. Leopoldo Transona Jr., pangulo ng Samahan ng mga Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura; at Dr. Felisa D. Marbella, direktor ng SWK-SorSU.
Ang paglagda sa mga kasunduan ay bahagi ng pagsisikap na patatagin ang mga programa at proyektong pangwika at pangkultura sa rehiyon, sa tulong ng pakikipagtulungan ng KWF at mga institusyong pang-edukasyon sa Sorsogon.