ASEAN, nagkakaisa sa mas matibay na land-use data laban sa climate change

LULUCF workshop

MAKATI, Pilipinas — Tatlumpu’t apat na climate expert, policymaker at forestry specialist mula sa Southeast Asia ang nagtapos sa apat na araw na validation workshop para pagtugmain ang geospatial land-use records, iayon ang mga pambansang climate commitment at palakasin ang mga hakbang sa pagbabawas ng greenhouse gas emissions sa sektor ng Land Use, Land-Use Change and Forestry (LULUCF).

Sinuri sa workshop ang paunang resulta ng regional study na pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng Pilipinas sa ilalim ng ASEAN Chairmanship ng bansa. Sinuportahan ito ng ASEAN-EU-German Climate Action Programme (CAP), na pinondohan ng European Union at Germany at ipinatutupad ng Deutsche Gesellschaft für Internationale Zusammenarbeit (GIZ) GmbH at Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA).

Layunin ng pag-aaral na tugunan ang pangangailangan sa mas detalyadong land-cover data habang tumitindi ang pressure sa lupa dahil sa pagpapalawak ng agrikultura, mga proyektong pang-imprastraktura at mabilis na urbanisasyon.

Sa pagbubukas ng workshop, binigyang-diin ni DENR Climate Change Service Director Elenida Basug na maaaring magsilbing mahalagang carbon sink o malaking pinagmumulan ng greenhouse gas emissions ang mga pinamamahalaang landscape.

Iginiit naman nina DENR Assistant Secretary Noralene Uy, GIZ Indonesia Climate Change Advisor Ferosa Arsadita at SEARCA Center Director Dr. Mercedita Sombilla ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga bansa upang maisalin sa konkretong aksyon ang mga climate target.

Inilahad nina SEARCA experts Dr. Rex Victor Cruz at Dr. Cristino Tiburan Jr. ang geospatial baseline trends mula 2000 hanggang 2022. Sinuri ng mga delegado ang national classifications at mapping intervals laban sa regional satellite datasets upang maresolba ang mga pagkakaiba sa mapping.

Pinangunahan ni Climate Policy Expert Dr. Juan Pulhin ang panel discussion kasama ang mga kinatawan ng Cambodia, Pilipinas, Thailand at Singapore upang iayon ang land governance sa kani-kanilang national climate targets.

Tinalakay rin ang Laguna de Bay Basin sa Pilipinas at Keo Seima Wildlife Sanctuary sa Cambodia bilang mga case study. Bumuo ang mga kalahok ng causal driver matrices at nagtakda ng pamantayan para mapalawak ang sustainable land management sa agriculture, agroforestry at urban forestry.

Bilang bahagi ng field verification, nagtungo ang mga delegado sa UPLB Makiling Center for Mountain Ecosystems, UPLB Makiling Botanic Gardens at SEARCA SHARING AgriMuseum sa Los Baños, Laguna.

Sa pagtatapos ng workshop, ipinakita ni Data Inventory Analyst Dr. Val Randolf Madrid ang LULUCF Database Inventory Platform. Sinubukan ng mga delegado ang query systems, interface at spatial tools nito upang higit pang mapahusay ang platform bago ang regional deployment.

Ang validation workshop ay nagsisilbing paghahanda para sa online interactive database at mga policy brief na susuporta sa climate planning ng mga bansang kasapi ng ASEAN.

Kabilang sa mga lumahok ang ASEAN Working Group on Climate Change, ASEAN Senior Officials on Forestry, ASEAN Secretariat, national mapping agencies, mga institusyong pang-akademiko at development partners.

Facebook Comments