QUEZON CITY, Oktubre 30, 2026 — Nagpahayag ng pagkabahala si Congressman Mark Cojuangco at ang grupong Alpas Pinas sa posibleng pagbebenta sa Philippine Nuclear Power Plant (PNPP), at nagbabala na maaari itong magdulot ng panibagong pagkaantala sa muling pagpapagana ng planta at lalo pang magpaiwan sa Pilipinas sa larangan ng enerhiyang nukleyar.
Naglabas ng pahayag ang Department of Energy (DOE) na bukas ang pambansang pamahalaan sa pagbebenta ng PNPP sa isang pribadong kompanya, kasunod ng positibong resulta ng pag-aaral ng South Korea tungkol sa posibilidad na muling mapagana ang naturang planta.
Habang pinag-aaralan ng pamahalaan ang mga posibleng hakbang para sa matagal nang hindi ginagamit na pasilidad, nagpahayag naman ng pagtutol ang mga tagapagtaguyod ng enerhiyang nukleyar sa planong isailalim ito sa pribadong pagmamay-ari.
Ayon kay Cojuangco, pangunahing tagapagtaguyod ng nuclear energy at chairman ng Special Committee on Nuclear Energy, posibleng lalo lamang maantala ang muling pagpapagana sa PNPP kapag ipinagbili ito sa pribadong kompanya. Aniya, mahalagang huwag nang magsayang ng panahon sa harap ng patuloy na pagtaas ng pangangailangan ng bansa sa kuryente.
“Nababahala kami na ang ganitong direksiyon ay lalo pang makapagpapaantala sa pagkilos para tugunan ang lumalaking pangangailangan ng bansa sa enerhiya. Habang tumatagal, lalo tayong mapag-iiwanan,” ani Cojuangco.
Nanawagan din siya sa pamahalaan na maglatag ng malinaw at konkretong plano upang maisulong ang muling pagpapagana sa PNPP at magamit ang enerhiyang nukleyar sa pagpapalakas ng pambansang suplay ng kuryente.
Binigyang-diin din ni Cojuangco na mahalagang manatili sa pagmamay-ari ng mga Pilipino ang naturang pasilidad dahil hindi lamang ito usapin ng kung sino ang may-ari, kundi kung sino ang magkakaroon ng kapangyarihang magtakda sa magiging kinabukasan ng enerhiya sa bansa.
Kapag nawala umano sa bansa ang kontrol sa mahalagang pasilidad na ito, maaaring maapektuhan ang kakayahan ng pamahalaan na magpasya sa magiging papel nito at sa pangmatagalang plano sa enerhiya.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang Alpas Pinas, isang organisasyong walang layuning kumita na nagsusulong sa paggamit ng enerhiyang nukleyar bilang malinis at napapanatiling pinagkukunan ng kuryente.
Ayon kay Gayle Certeza, PhD, tagapag-ugnay ng grupo, patuloy na kinakaharap ng bansa ang paulit-ulit na kakulangan sa suplay ng kuryente at mataas na presyo nito. Dahil dito, dapat umanong bigyang-prayoridad ang pagpapalawak at pag-iiba-iba ng mga pinagkukunan ng enerhiya upang matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino.
Ipinunto rin ni Certeza na parami nang paraming bansa ang bumabaling sa enerhiyang nukleyar. Kabilang dito ang Bangladesh na nagsusulong sa paggamit ng kauna-unahan nitong pasilidad na lilikha ng kuryente mula sa enerhiyang nukleyar, ang Rooppur Nuclear Power Plant.
Ayon sa kanya, dapat itong magsilbing paalala sa Pilipinas na kailangang seryosohin ang mga hakbang para maisulong ang PNPP at hindi mahuli sa pag-unlad ng ibang mga bansa.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng pangangailangan sa kuryente, naniniwala sina Cojuangco at Certeza na dapat ituring ang PNPP bilang isang mahalagang oportunidad upang mapalakas ang seguridad sa enerhiya at magkaroon ng mas malawak at sari-saring pinagkukunan ng kuryente sa bansa.