METRO, SUPORTADO ANG REPORMA SA MOTORCYCLE TAXI; IGIIT ANG PROTEKSIYON SA RIDERS AT GANAP NA LEGALISASYON

image

MANILA — Suportado ng motorcycle taxi riders’ group na METRO ang mga repormang isinusulong ni Transportation Secretary Vince Dizon upang matugunan ang mga isyu sa regulasyon ng motorcycle taxi industry, kasabay ng panawagang protektahan ang kabuhayan ng mga rider at ganap na gawing legal ang kanilang industriya.

Ayon kay METRO co-convenor Jayson Luna, pagkakataon ang mga nagdaang pangyayari upang magpatupad ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng pangmatagalan at makatarungang reporma para sa mga rider at mga commuter.

Sa isinagawang pakikipagpulong ng grupo sa LTFRB, iginiit ni Luna na hindi dapat mawalan ng hanapbuhay ang mga rider dahil sa mga kontrobersiya o paglabag sa regulasyon ng mga transport operator.

2018.08.09_Motorcycle_Riders_Unity_Ride-_JC-3

Hinimok din ng METRO ang mga awtoridad na repasuhin ang limitasyon sa bilang ng mga rider batay sa aktuwal na pangangailangan ng mga pasahero, kapasidad ng industriya at kondisyon ng transportasyon.

Binigyang-diin ng grupo na dapat maging patas, malinaw at nakabatay sa maaasahang datos ang pagtatakda ng rider allocation upang hindi malimitahan ang oportunidad sa trabaho, habang pinananatili ang kaligtasan ng mga pasahero.

Muli ring iginiit ng METRO ang pangangailangan ng ganap na legalisasyon at maayos na regulasyon sa motorcycle taxi services upang magkaroon ang industriya ng permanenteng legal na balangkas bilang lehitimong paraan ng pampublikong transportasyon.

mc-taxi_2022-10-09_17-54-42

Ayon kay Luna, dapat magsilbing simula ng mas malawakang reporma ang Department Order at hindi lamang solusyon sa kasalukuyang kontrobersiya.

Nakahanda naman ang METRO na patuloy na makipag-ugnayan sa DOTr, LTFRB, mga mambabatas at iba pang sektor upang makabuo ng mga patakarang magbabalanse sa pananagutan ng mga operator, kapakanan ng mga commuter at seguridad sa kabuhayan ng mga rider.

“Ang tunay na reporma ay hindi lamang tungkol sa pagpapatupad ng regulasyon. Tungkol din ito sa pagtiyak na walang rider na maiiwan,” ani Luna.

motorcycle_taxi_339e852492

Facebook Comments